HINDI nakaporma ang pitong sugarol, anim sa kanila ay babae, matapos maaktohan ng pulisya, kabilang ang isang manyakis sa magkakasunod na operasyon ng pulisya sa Bulacan kamakalawa.
Sa ulat mula kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, inilatag ang anti-gambling operations ng mga operatiba ng Malolos City Police Station (CPS) na nagresulta sa pagkaaresto ng pitong pasaway na sugarol.
Kinilala ang mga nadakip na sina Margarita Benedictos, Corie Cayanan, Diana Gregorio, Julieta Pagtalunan, Emily Pagtalunan, Carmi Rodriguez, at Reginaldo Canlas, pawang residente sa Brgy. Sto. Rosario, Malolos City.
Naaktohan ang mga suspek na nasa kainitan ng pagsusugal ng mah-jong kaya kinompiska ng mga awtoridad ang isang mesa, upuan, baraha, mahjong set at perang taya sa iba’t ibang denominasyon.
Arestado rin ang suspek na kinilalang si Roland Pablo ng Prenza 1, Marilao, Bulacan ng mga nagrespondeng awtoridad dahil sa kasong Acts of Lasciviousness. (MICKA BAUTISTA)