WALA pang napupusuan si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., kung kanino ipagkakatiwala ang pagiging unang hepe ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng kanyang administrasyon, dahil patuloy pa itong sinasala.
Ang pahayag ay ginawa ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., matapos maglutangan ang mga ulat na si P/Lt. Gen. Rhodel Sermonia, PNP No. 2 man, dahil sa pagiging PNP deputy chief for administration nito, ang nakatakdang hiranging susunod na Chief PNP.
“This is not true and the matter is being discussed,” ayon kay Abalos.
Idinagdag ni Abalos, pinag-aaralan pang mabuti ng pangulo kung sino ang kanyang itatalagang susunod na PNP chief at inaasahang agad itong iaanunsiyo sa mga susunod na araw.
Nang matanong kung nagbigay ba ng rekomendasyon sa pangulo, sinabi ni Abalos na may grupong gumagawa nito.
Mahirap aniya sa ngayon na magbigay ng detalye hinggil dito.
“Well, there is a team that’s doing that. It’s just difficult to give details regarding that,” aniya.
Nabatid, kung susundin ang rule of succession, bukod kay Sermonia, ilan pa sa posibleng contenders para maging PNP chief ay sina PNP deputy chief for operations Lt. Gen. Vicente Danao, Jr., ang No. 3 man ng PNP at siyang nagsisilbing officer-in-charge (OIC) ng PNP simula noong magretiro sa puwesto si dating PNP chief Gen. Dionardo Carlos; Area Police Command-Northern Luzon chief P/Lt. Gen. Rodolfo Azurin, Jr.; PNP deputy chief for operations P/MGen. Valeriano De Leon; National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief P/MGen. Felipe Natividad at Police Regional Office (PRO) 10 (Northern Mindanao) Director P/BGen. Benjamin Acorda, Jr. (ALMAR DANGUILAN)