SIPAT
ni Mat Vicencio
MALIKOT talaga sa aparato si Senator Imee Marcos dahil sa halip na makatulong, lumalabas na nakagugulo pa siya ngayon sa bagong administrasyon ng kanyang kapatid na si President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa pasimula pa lamang ng panunungkulan ni Bongbong, agaw-eksena kaagad si Imee at inunahan ang pangulo sa pagsasabing sa unang 100 araw nito ay dapat kasuhan at ipakulong ang mga sangkot sa agricultural smuggling.
Banat pa ni Imee: “Masusukat na seryoso ang bagong pamahalaan kung aktuwal na sasampahan ng kaso ang mga smuggler para masugpo ang pandaraya sa importasyon ng mga produktong agrikultura.”
Bakit, kailan ba hindi naging seryoso si Bongbong kontra smuggling? Sa pahayag kasi ni Imee parang duda siya sa kakayahan ni Bongbong na tapusin ang malaganap na smuggling lalo ang gagawing kampanya para maresolba ang nakaambang krisis sa pagkain.
Nasundan pa ang pag-aalboroto ni Imee nang tanggihan o i-veto ni Bongbong ang House Bill 7575 o ang tinatawag na Bulacan ecozone bill sa kadahilanang magdudulot umano ito ng ‘substantial fiscal risk’ sa bansa.
Dahil si Imee ang sponsor sa Senado ng ibinasurang HB 7575, repeke kaagad ‘to the max’ ang senadora at nagbabala na dahil sa ginawa ni Bongbong malamang maraming kapitalista ang hindi na magnegosyo sa Filipinas.
Intriga pa ni Imee: “ang kinatatakutan ko, baka hindi na aral nang maiigi o may naggagaling-galingan.”
Ibang klase talaga itong si Imee, imbes kasi na manahimik at tulungan ang kanyang kapatid, siya pa itong nangunguna ngayon sa Senado para bulabugin ang bagong administrasyon ni Bongbong.
At pati ang birthday party ni former First Lady Imelda Marcos, hindi sana lumaki ang intriga kung pinabayaan na lang at hindi na nagsalita si Imee sa media. Pero pinatulan pa rin ng senadora ang isyu at tuluyang naipit si Bongbong dahil ang birthday party ay idinaos sa Malacañang. Ma’am Imee, nakalimutan mo na ba ang salitang ‘patay istorya’ sa media?
Hay naku, ano ba ang dahilan at bakit ginagawa ito ngayon ni Imee? Parang may malalim na pinaghuhugutan ng tampo ang kanyang mga aksiyon at lahat ay patama sa administrasyon ng kanyang kapatid na si Bongbong.
Ito kaya ay dahil wala sa ‘kusina’ ng kapangyarihan si Imee? O, sobrang bigat na talaga ang banggaan nila ng First Lady na si Liza?