HATAWAN
ni Ed de Leon
MUKHANG masaya nga ang mga lider ng industriya sa pagkaka-appoint kay Tirso Cruz III bilang director-general ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).
Mabilis namang nakagawa ng konsultasyon si Pip sa mga lider ng industriya para malaman kung ano ang una niyang dapat harapin. Wala namang sinasabi ang mga lider ng industriya laban sa FDCP, maliban sa sinasabing ilang priorities na mahalaga pero hindi siyang dapat unahin.
Kung iisipin mo, maliwanag naman na ang dapat harapin para makabangon ang industriya ay makabalik ang pelikulang Pilipino sa mga sinehan. Ang problema noong pandemic, walang sinehan. Ngayon may sinehan na, wala nga halos maipalabas. Ang problemal talaga ng pelikulang Pilipino, ang ginagawa ay mga pelikulang pang-internet.
Mahalay, hindi nakalulusot sa Movie And Television Review And Classification Board (MTRCB), hindi kilala ang mga artista para mura lang ang bayad, at hindi kilala maging ang mga director. Kung ang
industriya ay makakapag-produce ng mga pelikulang gaya noong araw, walang dahilan para hindi maipalabas sa sine. Wala ring dahilan para hindi kumita.
Madaling ibangon ang industriya kung ang lahat ay magtutulungan para makabangon, pero kung ang iisipin lang nila ay kumita kahit na barya-barya, at igiit nila ang mga indie nila na ayaw naman tangkilikin ng mga Pinoy, walang mangyayari.
Si Nora Aunor na lang eh, ilan ang ginawang indie na hindi kumita? Si Vilma Santos, gumawa rin ng indie. Iyon kumita naman pero hindi rin kasing laki niyong ibang mga ibang mga pelikulang ginagawa niya.
Ang katuwiran kasi ng Pinoy, bakit nga naman sila magbabayad sa isang pelikulang tinipid at minadali ang pagkakagawa, eh pareho rin naman ang ibabayad mo sa isang pelikulang ginastusan at maganda talaga ang pagkakagawa? Hindi mo masisisi ang audience, mahirap kumita ng pera ngayon, tapos ibabayad mo lang sa indie? Sa abroad ang ibig sabihin ng indie, ginawa ng independent producers. Dito sa atin basta indie, walang kilalang artista, minsan maski director hindi mo kilala, minadali, binarat, at karaniwan pa ay kahalayan ang tema.