NAARESTO ng mga awtoridad ang dalawang personalidad na pinaniniwalaang tulak ng marijuana kabilang ang isang menor de edad sa isinagawang anti-illegal drug operations sa lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo ng tanghali, 3 Hulyo.
Nagresulta ang ikinasang buy bust operation ng mga operatiba ng Malolos CPS sa Brgy. Lugam sa pagkakadakip nina Ace De Los Arcos, alyas Toh, 22 anyos; at alyas Andrei, itinuturing na kabilang “children in conflict with the law (CICL),” 17 anyos.
Nabatid na matagal nang minanmanan ng mga awtoridad ang kilos ng dalawang suspek, si alyas Toh ang nagsisilbing tulak at runner niya ang menor de edad sa pagbebenta ng marijuana.
Nasamsam mula sa dalawa ang tatlong selyadong pakete ng plastik at dalawang pirasong plastic ng selyadong bloke ng mga tuyong dahon ng hinihinalang marijuana, may timbang na 2.5 kilo at tinatayang nagkakahalaga ng P300,000, at marked money.
Nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 5, 11 at 26 Art. II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si alyas Toh samantala itu-turnover ang menor de edad sa lokal na tanggapan ng DSWD para sa nararapat na disposisyon ng kaso.
Ayon kay P/Col. Charlie Cabradilla, provincial director ng Bulacan PPO, patuloy silang magsasagawa ng proactive operations laban sa lahat ng uri ng ilegal na droga sa Bulacan at hindi anila sila titigil upang makamit ang hangarin na maging drug-free ang lalawigan. (MICKA BAUTISTA)