ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ISA si Maricar Aragon sa tampok sa pelikulang Tanging Hiling na under ng MMA Productions. Makakasama niya rito sina Tanya Gomez at Lambert Bangao, pamamahalaan ang naturang proyekto ni Direk Jess Vargas.
Inusisa namin siya kung bakit ganito ang title? Sagot ni Maricar, “Kaya po ito pinamagatang Tanging Hiling ay dahil inspired din po ito sa kanta ko po na ang title din po ay Tanging Hiling. Kung narinig n’yo na po ang kanta kong iyon, ay mayroon na rin po kayong clue sa magiging takbo ng pelikula.”
Ano ang kanyang role sa pelikula? “Bale po kasi, true to life story din po ito ni mama. Si Ms. Tanya Gomez po ang gaganap na ina ko po at ako naman po bilang si Maricar, pero binago lang po ang mga pangalan sa pelikula.”
Madali ba sa kanya or mas mahirap na gampanan ang sarili niyang papel?
“Siyempre po ang umarte bilang ako po ay madali ngunit mahirap din po sa ibang paraan dahil sa pelikulang ito po ay maise-share rin po namin ang parte ng buhay namin, kaya may kaunting pressure rin po sa pagganap bilang sarili ko,” pakli ni Maricar.
Aniya, “May kasama po itong drama na mayroong iyakan, pero hindi po buong drama na puro po iyakan… kasi po may fighting scenes po sa pelikula kaya po classified as drama-action na genre po.
“Isa po sa magiging scene rito ay kung paano po ako hiniling ni mama at paano po siya naka-survive sa paglubog ng barko. Naging malaking parte po ng paniniwala ni mama sa Diyos ang pag-survive niya sa paglubog po ng barko at pagkatotoo ng hiling po nila ni daddy ng anak, only child lang po ako.
“Sa takbo po ng pelikula, magsisimula po ito sa buhay ng mama ko saka po magta-transition sa buhay ko po ngayon. Inspirational po itong movie, tungkol sa hindi pagsuko at lumaban sa mga dumarating na pagsubok, magaan o mabigat man po,” sambit ng 20 year old na singer/actress.