HATAWAN
ni Ed de Leon
NAKATUTUWANG isipin na sa mga dalawang buwan mula ngayon, muling magbubukas ang Channel 2. Pero hindi na iyan ABS-CBN kundi iyong Advance Media Broadcasting System, isang bagong kompanya sa telebisyon, bagama’t sa radio ay matagal na sila.
Mapapanood din naman daw sa AMBS ang mga artista ng ABS-CBN, dahil nagkasundo rin yata sila na ang dating network ay magpo-produce ng program content para sa kanila. Bukod doon, nakipag-deal na rin daw ang network sa Viva Entertainment na gagawa rin ng content at magpapahiram din ng artista sa kanila.
Nakatutuwa dahil ibig sabihin niyan magkakaroon na ng trabaho ang mga artistang halos dalawang taon nang walang trabaho dahil iisang network na lang ang nagpo-produce talaga at iyang ABS-CBN hindi naman makatodo gaya nang dati dahil wala naman silang estasyong lalabasan. Buti nga ngayon ipalalabas na raw yata sila nang mas marami sa TV5 at kung diyan nga sa AMBS ay ok din sila, hindi na siguro tutunganga ang kanilang mga artista na matagal ding walang masyadong trabaho.
Iyang pagpasok naman ng ABS-CBN, at iba pang kompanya kagaya ng Viva at Regal bilang mga content producer, mapupuwersa rin ang GMA7 na mag-produce nang mahuhusay na shows. Hindi na puwede iyong gaya ng dati, dahil may mga kalaban na naman sila ngayon.
Magiging maganda iyan para sa television industry. Mawawala rin ang monopoly na isang dahilan kung bakit noong araw pa, problema ng mga negosyante ang advertising rates sa ilang networks.