SIPAT
ni Mat Vicencio
ANG pormal na panunumpa ni Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., bilang ika-17 pangulo ng Filipinas ay sinasabing hudyat ng isang magulo at watak-watak na pamahalaan na kinakailangang paghandaan ng bagong lider ng bayan.
Umaasa ang mahihirap na mamamayan kabilang ang mahigit 31 milyong bumoto kay Bongbong na magiging maginhawa ang kanilang buhay dahil na rin sa inaasahang maayos na pamamalakad na gagawin ng pangulo.
Pero ngayon pa lang, marami na ang nagsasabing mabibigo si Bongbong sa kanyang panunungkulan. Ang mga problemang tulad ng mataas na presyo ng bilihin, unemployment, illegal drugs, corruption, West Philippine Sea, at insurgency ay ilan lamang sa kailangang tugunan at lutasin ni Bongbong.
Mabigat na pagsubok ang haharapin ng bagong pangulo para magtagumpay ang kanyang pamahalaan lalo ang malaking problemang iniwan ni Pangulong Digong sa usapin ng trilyon-trilyong pisong utang ng Filipinas.
Sakit din ng ulo ngayon ni Bongbong ang mga political forces na kalaban ng pamilyang Marcos na magmumula sa ‘kanan,’ ‘gitna,’ at ‘kaliwa’ na tiyak na magiging aktibo sa pagbatikos sa mga programang kanyang ipatutupad at inaasahang mga maling desisyong gagawin.
Higit na magiging abala ang puwersa ng makakaliwang grupo sa pangunguna ng mga manggagawa, estudyante, at urban poor sa pagpapaigting ng mga kilos-protesta para maipakitang mali ang mamamayan sa pagkakaluklok kay Bongbong.
At kung umaasa pa ang bagong presidente na magkakaroon ng honeymoon period ang unang 100 araw ng kanyang panunungkulan ay nagkakamali siya dahil ngayon pa lang ay ikinakasa na ng kanyang mga kalaban ang sunod-sunod na rali at demonstrasyon na kakalampag sa kanyang pamahalaan.
Kaya kailangang maging maingat si Bongbong sa kanyang mga gagawing desisyon. Dapat ay harapin at solusyonan kaagad ang malalaking problemang kinakaharap higit sa lahat ang isyu ng mataas na presyo ng mga bilihin at kawalan ng trabaho.
Magiging tuntungan ng propaganda ng makakaliwang grupo ang dalawang isyung ito para sa sunod-sunod na kilos-protesta na kanilang isasagawa laban kay Bongbong.
Dapat din bigyang solusyon ni Bongbong ang usapin sa pagtatalaga ng mga kuwestiyonableng Cabinet secretaries kabilang ang ilang opisyal na sasampa sa administrasyon na ngayon pa lang ay maligalig na at nagsisikuhan.
Kaya nga, ‘butas ng karayom’ ang papasukin ni Bongbong para magtagumpay ang kanyang panunungkulan bilang presidente, at sana makalusot siya sa mabibigat na pagsubok na kanyang susuungin sa loob ng anim na taon.