LALABAN muli sa UFC si Conor McGregor sa pagtatapos ng 2022 o sa kaagahan ng 2023 pero hindi si Floyd Mayweather Jr. ang kanyang makakaharap tulad ng kumakalat na alingasngas.
Ang paglilinaw na iyon ay nagmula mismo kay UFC president Dana White na ikinibit-balikat lang ang reports na muling maghaharap sina McGregor at Mayweather pagkaraan ng kanilang unang paghaharap noong 2017.
Nilinaw ni White na ang rematch ng dalawa ay mangyayari lang kung nagkapirmahan na ng kontrata. Dagdag pa sa kanyang paglilinaw na ang pagbabalik ni McGregor sa limelight ay sa mixed martial arts at hindi sa boksing.
“Not me, I’m not talking about that,” nagtatawang sabi ni White tungkol sa balitang bakbakang McGregor at Mayweather 2 sa The Jim Rome Show nung Lunes. “[Conor’s return] will be in the cage. Conor’s looking to come back the end of this year, early next year.”
Sa kasalukuyan ay sumasalang sa matinding ensayo si McGregor pagkaraang madale siya ng ‘broken leg’ na natamo niya sa naging laban sa UFC nang matumba siya sa naging laban kay Dustin Poirier sa ikalawang pagkakataon noong July 2021.
Sumalang sa operasyon si McGregor para i-repair ang na-damage ng binti pero dahil sa grabe ang tinamong injury, nagarahe siya ng isang taon para tuluyang maghilom ang nadaleng buto.
“When I do talk to Conor, Conor wants to fight,” sabi ni White. “Conor gets all kinds of offers for movie roles and all these other things that he could go and do and make money. He doesn’t want to do any of that. Conor wants to fight.”