HATAWAN
ni Ed de Leon
EWAN pero sa tingin namin talagang isang kakatuwang sitwasyon iyon nang mag-apologize si Dennis Padilla at humingi pa ng paumanhin sa kanyang anak na si Leon, matapos siyang sumbatan niyon sa pamamagitan ng social media na inilalagay daw niya sa kahihiyan ang kanyang mga anak, kaya nagsalita na siya bilang depensa sa sarili at sa mga kapatid niya.
Ang naging sagot naman ni Dennis, “sorry na, na-miss ko lang kayo.” Tapos inamin din ni Dennis ang kanyang naging pagkukulang sa kanyang mga anak, at hindi niya nasustentuhan ang mga iyon noong panahong nawalan siya ng trabaho. Ewan pero parang mali ang sitwasyon.
Kasi bilang isang ama, pinanindigan ni Dennis ang responsibilidad sa kanila. Pinakasalan niya ang nanay nila. Siya ang nagbigay ng suporta sa kanila hanggang noong mawalan na nga lang siya ng hanapbuhay, at hindi naman niya sinabing ayaw niyang magbigay ng suporta. Gusto niya, wala lang siyang maibigay talaga.
Ang naging tugon doon ng kanyang mga anak, nagharap ang mga iyon ng kaso sa korte para mapalitan na ang kanilang pangalan, at gawin nang Barretto, at isa sa mga dahilan ay hindi naman sila masuportahan ng tatay nila. Bukod nga sa nakakuha na rin naman ng annulment ang kanilang ina.
Siguro ganyan na nga ang paniwala sa makabagong panahon, pero hindi kasi ganyan ang nakagisnan namin eh. Sa amin kasi kailangang kilalanin at irespeto ang mga magulang “mabuti man sila o masama.” Iyon ang sinabi ng Diyos eh, “igalang mo ang iyong ama at ina, at ikaw ay magtatamo ng isang mahabang buhay.” Hindi sinabing
kilalanin mo ang tatay mo kung maibibigay sa iyo ang lahat ng kailangan mo at luho. Sinabing igalang mo ang magulang mo, ano mang klaseng magulang sila.
Opinyon lang namin ito ha, kakampihan namin si Dennis ano man ang naging pagkukulang niya. Baka magsisi ang mga anak niya kung dumating ang panahon na magkaroon na rin sila ng sarili nilang mga anak na susumbatan na rin sila, at hindi na gamitin ang kanilang pangalan.