DINAKIP ng mga awtoridad ang tatlo katao matapos maaktohang ilegal na nagsusugal sa isang bahay sa bayan ng Marilao, lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 17 Hunyo.
Sa ulat mula kay P/Lt. Col. Bernard Pagaduan, hepe ng Marilao MPS, kinilala ang mga suspek na sina Randy Llano, Benedict Baltazar, at Dianne Dela Paz, pawang mga residente sa Brgy. Lambakin, sa nabanggit na bayan.
Ikinasa ng mga operatiba ng Marilao MPS ang anti-illegal gambling operation laban sa tatlong suspek matapos makatanggap ng impormasyon na halos araw-araw ay may nagaganap na sugalan sa lugar.
Dito nahuli sa akto ang tatlong suspek habang pumipinta ng mga baraha sa sugal na ‘tong-its’ at nasa ibabaw ng mesa sa harap nila ang maraming puntos na pera.
Napag-alamang malakasan ang sugalan sa bahay na sinalakay kaya mistulang naaadik na sa pagsusugal ang ilang residente kabilang ang tatlong naaresto.
Nakompiska ang set ng baraha at perang taya mula sa mga suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o Philippine gambling laws. (MICKA BAUTISTA)