NALUTAS ng mga awtoridad ang serye ng panghoholdap sa ilang bayan sa Bulacan nang maaresto ang isang lalaking pinaniniwalaang sangkot sa ilegal na droga sa isinagawang operasyon laban sa krimen sa lalawigan nitong Biyernes, 17 Hunyo.
Sa ulat mula kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang suspek na si Angelo Capili, residente sa Brgy. Bagna, lungsod ng Malolos.
Dinampot si Capili ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malolos CPS sa ikinasang anti-drug sting sa naturang barangay.
Napag-alaman, habang iniimbestigahan ang suspek ay nakilala ito ng ilang testigo na siyang may kagagawan sa mga serye ng robbery hold-up sa mga bayan ng Guiguinto, Calumpit, Angat, at lungsod ng Malolos.
Matapos maaresto si Capili, nadakip din ang lima pang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa ikinasang buybust operation ng mga tauhan ng SDEU ng mga police stations ng Baliwag, Meycauayan, at Plaridel.
Kinilala ang mga suspek na sina Peejay Garcia ng Brgy. Sto Niño, Plaridel; Feliciano Herrera, alyas Ati, ng Brgy. Iba, Meycauayan; Ariel Ogalinola, alyas Aying, ng Brgy. Camalig, Meycauayan; Mateo Ragsag, Jr., alyas Dodong ng Brgy. Lumang Bayan, Plaridel; at Lorenzo Mendoza ng Brgy. Pagala, Baliwag.
Narekober mula sa mga suspek ang 21 pakete ng hinihinalang shabu, kalibre .38 revolver, at buy bust money na dinala sa Bulacan Forensic Unit kasama ang mga suspek para sa drug test at laboratory examination. (MICKA BAUTISTA)