Hinatulan ng guilty ng Sandiganbayan si dating Guagua, Pampanga Mayor Ricardo Rivera sa kasong katiwalian.
Sinampahan si Rivera ng kaso bunga ng hindi natapos na public slaughterhouse sa kanilang bayan noong 2009.
Pinatawan si Rivera ng parusang pagkakakulong ng anim hanggang walong taon at hindi na maaring manungkulan sa anumang pampublikong posisyon.
Sinampahan ng kasong paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act si Rivera nang mabigo ang NC’s General Contractor na tapusin ang slaughterhouse hanggang noong 20 Disyembre 2009.
Sa inilabas na resolusyon ng Sandiganbayan 4th Division, napatunayang walang ginawang hakbang si Rivera upang matiyak na matatapos ang proyekto.
Depensa ng dating opisyal, sinabi niyang may mga naging kaganapan tulad ng mga bagyo at malakas na pag-ulan kaya hindi natapos ang katayan ngunit hindi ito tinanggap ng anti-graft court. (MICKA BAUTISTA)