SUMASAILALIM ngayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad ang limang dayuhan matapos madakip kasama ang ilang indibiduwal sa bayan ng Concepcion, lalawigan ng Tarlac noong 9 Hunyo.
Ayon kay PRO3 PNP Regional Director P/BGen. Matthew Baccay, kinilala ang mga dayuhang sina Krystiana Swain, Emily Butler, Nishant Carr, at Keidan Oguri, pawang American nationals; at Christopher Silva San Martin, Chilean national.
Kasama sila sa 100 katao na inaresto sa Brgy. Tinang, sa nabanggit na bayan noong 9 Hunyo ngunit pinalaya matapos sabihin sa mga awtoridad na sila ay mga researchers at walang kinalaman sa insidenteng naganap sa naturang barangay kung saan winasak ang isang sugar plantation.
Mahigpit na nakikipag-ugnayan ngayon ang mga awtoridad sa Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa pagkakakilanlan ng mga dayuhan at kanilang posibleng deportasyon.
Dagdag ni Baccay, hindi nila inaalis ang posibilidad na ang mga dayuhang ito ay mga miyembro o supporters ng mga inaresto kahit na pinagdidiinan nilang sila ay researchers dahil nasa lugar sila nang maganap ang insidente. (MICKA BAUTISTA)