NAPATAY ang isang lalaking armado ng matalas na armas matapos manlaban sa nagrespondeng pulis sa ginawa niyang pag-aamok sa bayan ng Sta.Maria, lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes, 13 Hunyo.
Kinilala ni P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, ang suspek na si Ricardo Agno, 42 anyos, residente sa Brgy. Sto.Tomas, sa nabanggit na bayan.
Nabatid na nag-amok ang suspek sa kalye dala ang itak at nagtangkang tagain ang mga tao na nagtakbuhan.
Nang dumating ang respondeng pulis, sinikap payapain si Agno ngunit imbes pumayapa ay naging mas agresibo at umatake kaya napilitang paputukan ang suspek.
Agad na isinugod sa Rogaciano Mercado Memorial Hospital ang suspek para lapatan ng lunas ngunit idineklara ng attending physician na dead on arrival.
Dagdag sa ulat, natuklasang ang suspek ay may problema sa pag-iisip at palaging nagwawala kapag sinusumpong.
Patuloy ang pulisya sa Bulacan sa pag-iimbestiga sa insidente kasunod ang apela sa publiko na iwasan ang pagbibigay ng mga espekulasyon hanggang ang ulat ay maging konklusibo. (MICKA BAUTISTA)