NANAWAGAN ang mga kawani ng Maritime Industry Authority (MARINA) kay President-elect Ferdinand Marcos, Jr., na huwag palitan si ret. Vice Admiral Robert Empedrad bilang pinuno ng kanilang ahensiya para maipagpatuloy ang mga naumpisahang reporma sa maritime industry.
Sinabi ni Capt. Jeffrey Solon, Deputy Executive Director sa Standards of Training, Certification, and Watchkeeping (STCW) Office ng MARINA, aprub din sa mga empleyado ng ahensiya ang petisyon ng Association of Licensed Manning Agencies (ALMA) kay Marcos Jr., na i-retain si Empedrad bilang hepe ng MARINA.
“Actually, sa totoo lang, pati ang mga empleyado ng MARINA ay naghahangad na mai-retain si Admin Empedrad,” ayon kay Solon sa Laging Handa public briefing kamakalawa.
“Hindi lang po sa ALMA, sa ibang sektor din ng ating industriya ay nanawagan na mai-retain ang kasalukuyang namumuno ng MARINA,” dagdag niya.
Mahalaga aniyang maipagpatuloy ang mga isinulong na program, ani Empedrad, gaya ng paglutas ng problema sa loob ng tatlong buwan sa European Community hinggil sa EMSA (European Maritime Safety Agency) na nagsimula noong 2006.
Paliwanag ni Solon, sa ilalim ng administrasyon ng Empedrad sa MARINA ay naibalangkas ang voyage plan at MIDP o Maritime Industry Development Plan na kapag napirmahan ng Presidente ay magiging blueprint na kailangang sundin ng ahensiya.
Tiwala si Solon, kahit hindi sila mapalitan sa MARINA ay may kakayahan ang mga permanenting kawani na ipatupad ito at nakahanda sila ni Empedrad na tumulong.
“He (Empedrad) re-organized the Marina and implemented measures to ensure that the highly technical and demanding mandate of the office can be effectively discharged by competent human resources,” sabi sa petisyon kay Marcos Jr., na nilagdaan ng ALMA, grupo ng manning agencies na nag-deploy ng may 174,000 seafarers sa buong mundo.
“Most importantly, Administrator Empedrad has shown his sincerity and commitment to addressing the lingering issues relating to the European Maritime Safety Agency (EMSA) audit, a concern that has regrettably been insufficiently attended to for decades and has thus stand to delist all Filipino seafarer officers from being employed on board European ships,” ayon sa ALMA.
Kasama rin sa petisyon ng ALMA na gawing Deputy Administrator ng MARINA si Solon bunsod ng matagumpay na pagsusulong ng vaccination drive para sa Filipino seafarers at pagtulong kay Empedrad na ihanda ang detalyadong pagtugon sa EMSA audit.
“The retention of Administrator Empedrad and Captain Solon will indeed be viewed by the European shipping community as a manifestation of the Philippines’ sincerity in sustaining the initiated reforms in shipping standards,” sabi ng ALMA. (ROSE NOVENARIO)