SASAMPAHAN ng kasong frustrated murder ang hindi sumipot na driver ng sports utility vehicle (SUV) na ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) matapos banggain ang security guard na nagmamando ng trapiko saka tumakas sa Mandaluyong City noong Linggo.
Dumalo sa pagdinig ang 157 Raptor Agency Operation Manager na si Chrisbern Soriano at sinabi niyang inaasikaso nila ang kapakanakan at paggaling ng kanilang tauhan.
Nabatid na nakikipag-usap ang suspek sa opisina ng biktima pero hindi malinaw kung nakikipag-aregalo ang kampo ng SUV driver.
Halos dalawang oras na nag-abang ang ilang miyembro ng Intelligence and Investigation Division ng LTO, media, at kinatawan ng 157 raptor agency sa suspek, ngunit hindi sumipot.
Dahil dito muling sinilbihan ng show cause order ng LTO ngayong 7 Hunyo ang SUV driver.
Ayon kay Renante Militante, Officer-In-Charge ng Intelligence and Investigation Division ng LTO, itatakda ang pinal na pagdinig ng kaso sa Biyernes, 10 Hunyo 2022, dakong 1:00 pm.
Kapag hindi muling sumipot ang SUV driver, tuluyan nang tatanggalan ng lisensiya ng LTO ang suspek.
Kaugnay nito, sinabi ni Mandaluyong police chief P/Col. Gauvin Mel Unos, ang kanilang inisyal na imbestigasyon ay nagpakita ng reckless imprudence resulting in physical injuries bilang paunang kaso pero posibleng sampahan ng frustrated murder ang suspek.
“Noong ni-review natin ‘yung video na na-post sa social media, puwede namin i-file siya ng ‘frustrated murder’ due to the circumstances na napanood from the video that was uploaded,” ani Unos.
Magugunitang unang pinadalhan ng show cause order ng LTO ang driver na hindi pinangalanan dahil umano sa data privacy.
Inutusan din ang driver na magsumite ng written explanation kung bakit hindi siya dapat sampahan ng kasong administratibo sa reckless driving at kung bakit hindi dapat suspendehin o bawiin ang kanyang lisensiya. (ALMAR DANGUILAN)