INIHAYAG ng Provincial Health Office ng Bulacan, 12 bayan at isang lungsod sa lalawigan ang Malaya na sa virus na CoVid-19.
Ayon kay Bulacan Epidemiology Surveillance Unit (PESU) officer Brian Alfonso, sa ulat nitong Lunes, 6 Hunyo, ang lungsod ng Meycauayan, at mga munisipalidad ng Balagtas, Baliwag, Bustos, Doña Remedios Trinidad (DRT), Guiguinto, Norzagaray, Obando, Paombong, Pulilan, San Ildefonso, San Miguel, at San Rafael ay zero active cases na.
Samantala, naitala pa rin ang 15 aktibong mga kaso sa Bocaue, 10 sa lungsod ng San Jose del Monte at Hagonoy, anim sa Marilao, at lima sa lungsod ng Malolos.
Napag-alaman, lahat ng mga pasyente ay naka-isolate sa Bulacan Infection Control Center, ang pampublikong ospital sa lalawigan na humahawak ng lahat ng kaso ng COVID-19, ay pinalabas na rin ang huling pasyente nitong nakaraang linggo, isang lalaking 45-anyos.
Ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Bulacan simula Marso 2020 nang unang manalasa ang pandemya ay umabot sa 109, 518, may 107,759 ang nakarekober at
1,698 ang namatay. (MICKA BAUTISTA)