INIULAT ni PRO3 PNP Regional Director P/BGen. Matthew Baccay na nakumpiska ng mga awtoridad ang may kabuuang halos 3,000 mga mahahaba at maiikling baril, mga nakamamatay na armas, at mga pampasabog mula sa mga indibiduwal na lumabag sa election gun ban.
Ani P/BGen. Baccay, mula simula ng election period noong 9 Enero hanggang 5 Hunyo, nagawang makakumpiska ng kapulisan sa Central Luzon ng 328 iba’t ibang klase ng baril at 2,319 na nakamamatay na armas, at mga pampasabog.
Sa panahon ring ito nadakip ang 400 gun ban violators at sinampahan ng mga nararapat na kaso sa hukuman kung saan sila nagmula at naaresto ng kapulisan.
Dagdag pa ni Baccay, ipagpapatuloy nila ang pagsasagawa ng regular checkpoints kahit tapos na ang election period sa 8 Hunyo upang matiyak at maipairal ang pagmamantine ng katahimikan at seguridad sa rehiyon. (Micka Bautista)