ni Micka Bautista
KINUMPIRMA ng mga awtoridad na binawian ng buhay ang tatlong trabahador nang gumuho ang ikalawang palapag ng ng isang gusaling nirerentahan bilang isang warehouse sa lungsod ng Meycauayan, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Martes, 31 Mayo.
Kinilala ni P/Col. Charlie Cabradilla, Bulacan PPO provincial director, ang mga nasawi na sina Roel Preston, 38 anyos; Analyn Baldon, 35 anyos; at James Franklin Marcelo, 19 anyos, pawang mga trabahador ng E-ONE Consumers Trading Corporation.
Matatagpuan ang warehouse sa loob ng Muralla Industrial Park sa Brgy. Libtong, sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay Cabradilla, naipit ang tatlo sa gumuhong bahagi ng ikalawang palapag ng gusali dakong 5:00 ng hapon kamakalawa.
Nakuha ang mga katawan ng tatlong trabahador sa pagitan ng 11:35 ng gabi noong Martes at 7:52 ng umaga kinabukasan.
Naunang naiulat na nawawala si Marcelo ngunit natagpuan ang kaniyang katawan nitong Miyerkoles ng umaga.
Samantala, sugatan ang isa pang empleyadong kinilalang si Marjorie Naling, 28 anyos, na dinala sa pagamutan upang malapatan ng atensyong medikal.
Sa imbestigasyon, gumuho umano ang ikalawang palapag dahil sa overloading ng mga stock ng mga solar panel at mga tent.
Pahayag ni P/Col. Leandro Gutierrez, hepe ng Meycauayan CPS, patuloy ang kanilang pagsisiyasat sa insidente upang matukoy ang possibleng kasong isasampa laban sa among Chinese national ng mga biktima.
Samantala, sinabi ng kinatawan ng kompanya na sinagot ng may-aring Chinese national ang mga gastusin sa pagamutan ng mga nakaligtas at pagpapalibing sa tatlong namatay na biktima.