SINALAKAY ng mga awtoridad ang isang monte den sa lungsod ng Mabalacat, sa lalawigan ng Pampanga na nagresulta sa pagkakadakip ng apat na kataong naaktuhan habang nagsusugal nitong Linggo, 29 Mayo.
Sa ulat mula kay P/Lt. Col. Heryl Bruno, hepe ng Mabalacat CPS kay P/Col. Alvin Consolacion, acting police director ng Pampanga PPO, nagsagawa ang mga elemento ng Mabalacat CPS ng anti-illegal gambling operation sa bahagi ng 5th St., Brgy. Dapdap, sa nabanggit na lungsod.
Nadakip sa operasyon ang mga suspek na kinilalang sina Eddie Gutierrez, 35 anyos, tumatayong facilitator; Antonio Manalastas, 63 anyos; Flordeliza Tamondong, 43 anyos; at Aiza dela Rosa, 34 anyos, pawang mananaya at mga residente ng 5th St., Bunkhouse Resettlement, sa naturang lugar.
Naaktuhan ang mga suspek sa illegal card game na ‘Monte’ at narekober bilang ebidensiya sa kanila ang halagang P2,431, isang set ng baraha, at isang mesa.
Kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng Mabalacat CPS ang mga naarestong suspek habang inihahanda na ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanila sa Mabalacat City Prosecutor’s Office. (Micka Bautista)