Saturday , November 16 2024

Multa para sa NCA sa Maynila, makatarungan ba?

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

MAKATARUNGAN nga ba ang pinaiiral na napakataas na multa para sa isang traffic violation sa Maynila ng lokal na pamahalaan?

Tinutukoy natin ay hinggil sa non-contact apprehension. Grabe at sobrang napakamahal ng multa – kawawa rito ang isang kahig, isang tuka. Hindi sinsilyo ang pinag-uusapan dito kung hindi mahigit sa P1,500 – P6,000 ++  kada violation o mas mataas pa dito – depende na nilabag.

Marahil alam niyo na kung ano ang non-contact apprehension – sa tulong ng mga ikinalat na CCTV sa mga lasangan ng Maynila, nahuhuli ang mga lumalabag sa batas.

Linawin natin ha, hindi naman tayo tutol sa NCA sa Maynila at sa halip ay pabor na pabor ang inyong lingkod rito, Naniniwala tayo na sa pamamagitan ng NCA ay maraming titinong motorista. Naisip na ipairal ang NCA dahil sa nakaparaming motorista ang matitigas ang ulo lalo na kapag walang nakabantay na traffic enforcer para manghuli.

Sa NCA ay maraming titinong motorista lalo na kapag “nabiktima” na sila sa Maynila sa sobrang taas ng multa rito. Hindi lang mga motorista ang patitinuin ng NCA sa Maynila kung hindi, malaking tulong din ito sa kampanya ng lokal na pamahalaan laban sa mga kotongerong traffic enforcer.

Pero makatarungan at makatao ba ang singilan “multa” na pinaiiral sa kasalukuyan sa Maynila? At agad ba napapadala ng traffic bureau ang notice of violation sa mga nahuhuli para agad na nakatubos ang violator? Natutunton ang violators sa pamamagitan ng kanilang rehistradong plate number. Sa rehistradong plaka matutunton ang address ng may – ari ng sasakyan kung saan dito ipinadadala ang notice of violation kalakip ang litrato ng sasakyan kung paano ito lumabag sa batas.

Kaya walang lusot ang may-ari ng sasakyan dahil mayroon sapat na ebidensiya sa pagkakahuli.Ngayon kung balewalain ang notice at hindi ito tinutubos sa Maynila o sa pamamagitan ng online “Go Manila,” ipapadala ng traffic bureau ang notice of violation sa Land Transportation Office (LTO) kung saan ay lalabas sa rekord na ang sasakyan ay may pending violation na hindi pa binabayaran sa Maynila.

Kaya kung inakala ng isang traffic violator na lusot na siya sa pagbabalewala sa notice of violation, siya ay nagkakamali dahil hindi niya mai-renew ang rehistro ng kanyang sasakyan hangga’t makapagbayad na siya ng multa.

Iyon nga lang, makatarungan ba ang singilan sa multa at agad bang naipadadala ang notice of violation sa violator maging sa LTO?

Sa presyohan ng multa, maraming sasang-ayon sa sasabihin natin na sobrang mahal – hindi na makatao habang sa pagpapadala na notice, agad bang naipapadala ito sa LTO o sa may-ari ng sasakyan?

Marahil sa pagbibigay ng notice sa violators ay mabilis sa ilan, pero sa ilan naman ay hindi agad at nalamaman na lamang nilang may violation kapag magre-renew sila ng rehistro sa LTO.

Pero sa naging karanasan natin, hindi ko alam kung sino ang dapat na sisihin, ang LTO ba o ang traffic bureau ng Maynila? Sino ang may pagkukulang kaya?

Nito kasing nakaraang taon ay bumili tayo ng isang segunda mano na van – buwan ng Mayo 2021 nang mabili sa isang second hand car dealer company. Siyempre, unang hakbangin ay inalam muna natin sa LTO kung may alarma ang sasakyan – maliis naman, kahit sa rekord ng traffic violation.

Kaya, pinursige natin ang transaksyon. Katunayan, maging iyong car dealer bago nila binili ang sasakyan sa isang banko ay klinaro muna nila sa LTO – Abril 2021 nang iberika. Maayos at malinis ang sasakyan.

Heto na, nagulat ako nang mag-renew ako nitong nakaraang linggo, may lumabas na violation – apat pa. Tatlong third offense – P4,000 each ang multa habang ang isa ay second offense – P3,000 ang multa. Wowowee. P15,000 lahat.

Ang mga violation ay nangyari sa buwan ng Enero at Pebrero 2021. Meaning, hindi ako ang lumabag sa batas at sa halip ang first owner. Ngayon, hindi ko ma-renew ang rehistro hangga’t hindi ko bayaran ang multa.

So, sino ang managot sa multa? Mabuti na lamang at mabait ang car dealer company at sinagot nila ang multa. Pero ang masaklap nang tubusin na, aba’y nanganak na ang P15,000 ng penalty – naging P24,720 na lahat. Ganoon kagrabe kumita ang Maynila sa pagpapairal ng NCA.

Pero kung susuriin, hindi sana nanganak ng ganoon kalaki ang multa kung siguro ay ipinadala kaagad ng traffic bureau sa LTO ang alarma – Enero at Pebrero 2021 nangyari ang violation pero nang beripikain noong Abril 2021 at Mayo 2021 bago ilipat sa pangalan ko ang sasakyan ay wala pa iyong notice mula sa Maynila. Hindi pa natatanggap ng LTO kaya nai-renew at nalipat sa pangalan ko noong Mayo 2021.

Hayun, nang mag-renew tayo nitong nakaraang linggo,  lumabas na ang apat na violation at nanganak ito ng penalty. Oo nga’t hindi ako ang nagbayad ng multang P24,720 pero, siyempre nakaaawa naman ang dealer.

Ngayon, ang panawagan natin ay sana naman ay bilis-bilisan ng traffic bureau ang pagpapadala ng notice sa LTO, hindi biro iyong multa at penalty…at tayo ay nananawagan sa nakatakdang uupong alkalde ng Maynila – ang bagong halal na si Mayor Honey Lacuna na sana ay pag-aralan mabuti ang multa para sa NCA. repasuhin sana nila ang ordinansa. Gawing makatao at hindi anti-poverty ang multa. Okey lang naman ang NCA pero gawin makatao at makatarungan ang multa.

About Almar Danguilan

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …