BILANG patunay sa kanyang pahayag, sinabi ni San Jose Del Monte City Rep. Florida “Rida” P. Robes na malaking boto ang ibinigay ng lalawigan ng Bulacan kina president-elect Ferdinand R. Marcos, Jr., at Vice president-elect Sara Duterte sa nakalipas na May 9, 2022 elections.
Sa kanyang lungsod, 65 porsiyento ng boto ang nakuha ni Marcos na malaki nang mahigit 143,000 sa nakuhang boto ni Vice President Leni Robredo na 52,000.
Nakakuha ng 61 porsiyento si Duterte na mas malaki ng 134,000 sa katunggaling si Senator Tito Sotto na humakot ng mahigit 43,000 boto.
Sa kanyang naunang pahayag, tiniyak ni Robes na magwawagi ng malaking boto sa kanilang lungsod sina Marcos at Duterte. Nagwagi rin si Robes na nakakuha ng napakalaking kalamangan upang makamit ang ikatlo niyang termino bilang kinatawan sa Kongreso.
Sa buong lalawigan ng Bulacan, 60 porsiyento ang nakamit na boto ni Marcos o kabuuang 1,040,157 boto. Sinabi ni Robes, ito ang unang pagkakataon na milyon ang nakuhang boto ng isang tumatakbong pangulo sa lalawigan ng Bulacan.
Humakot si Duterte ng 881,722 o 51.5 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga botanteng bumoto para sa bise presidente sa buong lalawigan.
“We are very happy that we were able to deliver an overwhelming win for our president-elect and our vice president-elect in our city of San Jose Del Monte and our province. But we would not have done it without our mayors, vice mayors and our parallel groups who went the extra mile to campaign for our candidates,” pahayag ni Robes.
Ayon kay Robes, mahigit 21 alkalde sa Bulacan na mayaman sa rami ng botante ang nagbigay ng kanilang suporta sa BBM-Sara Uniteam.
Pinangunahan din ni Robes ang pagsisikap na ikampanya sina Marcos at Duterte sa Bulacan kabilang ang pagsasagawa ng tricycle caravan sa buong lalawigan at ang “Sara para sa Barangay” kung saan hinarap at kinausap niya ang mga opisyal ng lalawigan.
Nagpahayag ng buong suporta si Robes sa papasok na administrasyon at tiniyak na susuportahan niya anuman ang mga mungkahing panukalang batas
“I know he will do well for the country and I will pray for him. I know he will do do good because he has a good heart and I will be here to support his legislative measures to help our country recover and bring a more inclusive and sustainable future for every Filipino,” pahayag ni Robes.