Matapos ang dalawang taon na paggamot at pag-aalaga sa mga pasyenteng may COVID-19, nakalabas na sa Bulacan Infection Control Center ang huling pasyente na nagkaroon ng COVID nitong Huwebes, 26 Mayo.
Nagsagawa si Provincial Health Officer II Dr. Hjordis Marushka Celis kasama ang mga doktor, nars, at mga kawani ng pangunahing pasilidad na pang-COVID sa lalawigan ng munting send-off ceremony para sa 45-anyos na lalaking huling pasyenteng nagk- COVID sa ospital.
Bagaman hindi ibig sabihin na tuluyan nang natalo ang COVID-19 sa lalawigan, naniniwala pa din si Gobernador Daniel Fernando na malaking milyahe ito sa laban ng lalawigan laban sa nakamamatay na virus.
“Marahil sariwa pa sa alaala natin ang mga panahon na walang kasiguraduhan kung kailan o paano matatapos ang laban natin na ito. Ngunit ang pangyayari ngayong araw ay isang hudyat ng pag-asa. Pag-asa na matapos ang dalawang taon, tanaw na natin ang liwanag na bunga ng ating sama-samang pagsusumikap,” anang gobernador.
Pinasalamatan din ni Fernando ang mga health worker at frontliner ng BICC na walang kapaguran na naglingkod para sa mga Bulakenyo.
“Walang kapantay ang pagsaludo at paghanga ng inyong lingkod sa ating mga health workers at frontliners na silang naging ating primerong depensa laban sa COVID-19. Sila ang numero unong dahilan kung bakit paulit-ulit nating nagapi ang sakit na ito,” aniya pa.
Nakapag-admit ang BICC ng kabuuang 9,508 pasyente simula ng magbukas ito noong Mayo 2020 at karamihan sa mga aktibong kaso ay nakararanas ng mild na mga sintomas at naka-isolate sa mga quarantine facility o sumasailalim sa home quarantine.
Noong Miyerkules, 25 Mayo, dalawang aktibong kaso ng COVID ang naka-admit sa ibang pribadong ospital samantalang noong Lunes, 23 Mayo, nagtala ang Bulacan ng 82 kabuuang bilang ng aktibong kaso ng COVID at 13 bagong mga kaso.
Ayon sa Provincial Health Office-Public Health, ang lalawigan ay may 109,487 kabuuang beripikadong kaso ng COVID; 107,709 paggaling; at 1,696 pagkamatay. (Micka Bautista)