SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
CHAMPION nang maituturing si Dr Carl Balita pagdating sa pagnenegosyo. Bakit naman hindi, 26 years old pa lang ay ipinagpalit niya ang isang mataas na posisyon na may kinalaman sa edukasyon para magnegosyo. At nakamit naman niya ang tagumpay sa larangang ito.
Pero hindi naman kaagad nakamit ni Dr Carl ang tagumpay. Inumpisahan niya ang isang review center business na isang upuan at maliit na table lamang sa Maynila at hindi niya inakalang magkakaroon ito ng 120 branches sa bansa at abroad. Sa ngayon, ang Dr. Carl Balita Review Center o CBRC ang nangungunang brand sa review industry at nabigyan na ito ng Hall of Fame Award sa Franchise Excellence Award ng Philippine Franchise Association.
Simula noon nagsunod-sunod na ang iba pang negosyo ni Dr. Carl tulad ng pagsusulat at pagpa-publish ng best selling books, pagpo-produce ng critically-acclaimed stage plays at films, pag-establish ng well designed learning experience para sa mga bata sa Pedagogy Learning Center, at ang pagbibigay ng world class service at accommodation sa Mahalta Resorts and Convention Center sa Calapan, Oriental Mindoro at iba pa.
Ang tagumpay sa negosyo ay hindi sinarili ni Dr Carl dahil 20 taon niya itong ibinahagi sa pamamagitan ng radio at television show niya sa DZMM, ang Radyo Negosyo.
Naniniwala kasi siyang sa pamamagitan ng pagnenegosyo, bubuti ang buhay ng karamihan. Ika nga niya, ‘maghanap ng hanapbuhay imbes maghanap ng trabaho.’ Isa ito sa ibinabahagi niya sa bagong show na EntrePinoy Revolution matutunghayan sa bagong tahanan niya, ang Sonshine Media Network International (SMNI) na mapapanood simula sa Biyernes, 4:30-5:30 p.m..
Sa media conference na isinagawa noong Lunes, iginiit ni Doc Carl na ang EntrePinoy Revolution ay victories at lessons ng microenterprises sa pamamagitan ng mga ibinahaging experiences at inspirasyon ng mga nagtagumpay na sa negosyo. Ilan nga sa mga nabanggit ng dating host ng Radyo Negosyo sa DZMM, gusto niyang imbitahan ang mga celebrity na nagtagumpay sa kani-kanilang negosyo.
“Puwede nating imbitahan sina Judy Ann Santos, Marvin Agustin, Coco Martin, Kris Aquino na mayroong franchise ng Chowking, James Reid at iyong partner niyang si James din para mai-share nila ang ilang secrets para magtagumpay sa negosyo,” ani Dr Carl.
“Si Marvin gusto nating malaman kung paano siya nakabawi roon sa nangyari sa kanyang cuchinillo.
“Ang show na ito ay parang buffet table na maraming mapag-uusapan,” sambit pa ni Dr. Carl.
Ang EntrePinoy Revolution ay may mga iba’t ibang segment na tiyak makatutulong tulad ng NegosYOU, Grow Negosyo, Kalye Negosyo, at SalaPinoy. Ani Dr. Carl ang mga ito’y makai-inspire at magpapalakas sa mga may kagustuhang magnegosyo at mga nagnanais maibahagi ang kanilang kaalaman sa pagnenegosyo.
“EntrePinoy integrates and links services of government and other NGOs and group to help the entrepreneurs grow their business. It also features on financial literary and entrepreneurial growth mind-setting for Filipinos in general,” sambit pa ni tinaguriang EntrePinoy Guru.
Kaya sa mga gustong magnegosyo, tumutok lang sa EntrePinoy Revolution para tiyak ang tagumpay.