Thursday , December 26 2024
USAPING BAYAN ni Nelson Flores

Tambak na wiped out pa

USAPING BAYAN
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.

TAPOS na ang halalan pero hanggang ngayon ay hindi matanggap ng sobrang minoryang ‘pinklawan’ ang resulta kaya kabi-kabila ang kanilang pag-iingay sa mga pangunahing lansangan, sa campus ng mga elitistang paaralan at social media. Ibig baguhin ng 14 milyon ang pasya natin na 31 milyong Filipino. Gusto nilang payukuin o paluhurin tayo sa kanilang dambana sa Ayala Avenue (ang headquaters ng mga neoliberal sa ating bayan) sa kahit ano mang paraan.

Bukod dito, pilit nilang isinusubo sa atin ang kaisipang batay sa dilawang demokrasyang o neoliberalismo na mula sa kanluran. Malinaw na hindi nakabatay ang neoliberalismo sa kultura na ating nakagisnan. Maliban rito ay minamanipula nila ang usapin kaugnay sa karapatang pantao o human rights, droga at kalayaan sa pamamahayag. Ito ay ginawa nilang sandata o pantira (weaponized) laban sa mga ayaw sumunod sa kanilang kagustuhan kahit malinaw na hindi maka-Filipino.

Matagal nang ibinasura ng mga ‘pinklawan’ ang mahahalagang birtud ng ating lahi tulad nang pagiging mapagpatawad, matulungin (mapag-bayanihan), mapagpasensiya, matiisin, palakaibigan (dahilan kaya malakas sa ating mga Filipino ang barkadahan) at marami pang iba.

Ang mga ‘pinklawan’ ay mapaghiganti. Ibig gantihan ang lahat ng kanilang kalaban dahil iyon daw ang hinihingi ng ‘katarungan.’ Ito ay pinatotohanan ni Vice President Leni Robredo nang sabihin niyang kaya siya tatakbo ay para hindi makaupo si Ferdinand Marcos, Jr., sa puwesto dahil sa umano’y kasalanan ng kanyang pamilya sa bayan noong dekada 70. ‘Yun lang ang dahilan kaya siya tumakbo, hindi dahil sa pagmamahal niya sa bayan. Ang nag-udyok sa kanya ay ang pagkamuhi niya sa kalaban.

Wala rin pakikipagkapwa ang mga ‘pinklawan’ sa mga hindi sumasamba sa Ayala Avenue o naniniwala sa kanilang uri ng demokrasya. Para sa kanila mababang uri tayong mga Filipino at hindi dapat pag-aksayahan ng panahon. Wala silang pasensiya sa mga ‘walang alam’ na tulad natin ay hindi nila kayang tiisin ang ating presensiya sa poder ng kapangyarihan o sa komunidad.

Hindi tayo maaaring maging kabayanihan nila at ang patunay nito ang turing na ‘kakampink.’ Ang tanging kakampi nila ay ‘yun lamang mga elitista sa Makati at namumuno sa malalaking unibersidad na naniniwala sa ‘Dilawang Demokrasya’ at hindi ang bayan o ang 31 milyong Filipino na hindi sumunod sa kanila. Makasarili ang mga ‘pinklawan’ kaya patok sa kanila ang pagsusulong ng huwad na karapatang pantao na nakasentro sa kahalagahan ng indibidwal at hindi ng komunidad. Wala silang kakayahan na kaibiganin ang hindi nila mga kauri. Hindi nila puwedeng maging barkada tayo na maglulupa sa kanilang paningin.

Parang hindi na talaga Filipino ang mga ‘pinklawan.’ Kaya asahan natin na ngayong tapos na ang halalan ay gagawin nila lahat ng kaya nila para hindi makagawa nang mabuti ang kasalukuyang administrasyon. Sa tulong ng kanilang mga kaibigan sa media tulad ng Rappler, Vera Fila, Center for Investigative Journalism at ABS-CBN o GMA 7 ay tiyak na puputaktehin ng isyu ang administrasyong BBM-Sara. Pero ngayon pa lang ay alam na natin na lumang tugtugin na ‘yan.

Nang matalo si Mar Roxas kay noon ay Mayor Rodrigo Duterte sa karerang pampanguluhan noong 2016 sana ay natuto na itong mga pinklawan (dahil ‘matatalino’ at organisado kuno sila). Dapat na tanto nila na ang kanilang mapanghamong estilo, mga isyung dala-dala – human rights, droga o kalayaan sa pamamahayag – ay wala nang dating sa bagong henerasyon. Pero dahil sa matinding kayabangan ay hindi na nila alam ang pulso ng tao ngayon kaya inulit lamang nila ang kanilang ginawa noong 2016 kaya hayun tambak na wiped out pa sila – 31 milyong boto laban sa kakarampot na 14 milyong boto.

Ngayon kukuwestiyonin ng mga pinklawan ang resulta ng eleksiyon at palalabasin na may dayaan kahit malinaw pa sa sikat ng Haring Araw na malinis ang halalang nagdaan kompara sa ibang mga halalan noon. Laos na ang bintang na may dayaan. Kung ayaw ninyong ‘madaya’ wag kayong sumali sa eleksiyon. Mag-rally na lang kayo lagi kung may mahahatak pa kayong mga tao na labas sa inyong mga naghihingalong samahan.

Ayaw na ng taong bayan ‘yung yabang, puro puna o negative na pananaw. Ayaw na ng sambayanan ang mga taong bastos at mapanlait. Ang mga isyu ninyo laban kay BBM, bukod sa walang matibay na batayan (puro haka-haka karamihan at kuwentong bayan), ay pinaglubugan na ng araw. Ayaw ng taong bayan ang ‘Dilawang Demokrasya’ ninyo. Ang kailangan ng bayan sa panahon nang pagdarahop ay pag-asa hindi pag-aalsa. ‘Yun ang ibinigay ng tambalang BBM-Sara sa taong bayan.

Malinaw na niloob ng Diyos ang mga nangyari kaya nangyari ito. Manalangin tayong lahat at humingi ng lakas sa kanya para maunawaan natin kung ano talaga ang niloloob niya para sa atin at sa ating mahal na Inang Bayan.

About Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …