ARESTADO ang tatlong lalaki matapos mahuli sa aktong nagtatago ng mga buhay na aso upang katayin at ibenta sa isinagawang rescue operation sa lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 21 Mayo.
Sa ulat mula kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, nagkasa ng rescue operation ang mga tauhan ng Bustos MPS at Pandi MPS katuwang ang Animal Kingdom Foundation Inc. (AKFI) sa mga barangay ng Liciada sa Bustos, at Bagbaguin sa Pandi kaugnay sa impormasyong may nagbebenta ng mga karne ng aso sa lugar.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakadakip sa mga suspek na kinilalang sina Jessie dela Cruz, 38 anyos, caretaker, mula sa Brgy. Liciada, Bustos; Felipe Borja, 62 anyos, caretaker; at Lando Soriano, 58, caretaker, kapwa mula sa Brgy. Bagbaguin, Pandi.
Nahuli ang tatlong suspek na nagtatago ng mga buhay na asong nakasilid sa sako samantala ang iba ay nasa makipot na kulungan at nakahanda nang katayin para ibenta ang mga karne nito.
Nag-ugat ang rescue operation batay sa impormasyong sangkot sa pagkatay at pagbebenta ng mga karne ng aso ang mga suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 6 ng RA 8485 o Animal Welfare Act of 1998. (MICKA BAUTISTA)