ni ROSE NOVENARIO
MAISASALBA na ang karerang muntik lumubog ni multi-awarded film director at mister ng actress-TV host Toni Gonzaga na si Paul Soriano dahil itatalaga siyang bagong pinuno ng Radio Television Malacanang (RTVM) ni presumptive President Ferdinand Marcos, Jr.
Nabatid sa Palace source na si Soriano at kanyang grupo ay dumalo sa ginanap na transition meeting ng RTVM sa Malacañang.
Ang RTVM ay attached agency ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at may responsibilidad para sa official documentation ng lahat ng aktibidad ng Pangulo ng Filipinas para ibalita sa publiko at magmantina ng Presidential Video Archive.
Sa katatapos na kampanya ay esklusibong hinawakan ni Soriano ang campaign visuals/ commercials ni Marcos, Jr., asawa ng kanyang tiyahing si Liza Cacho Araneta-Marcos.
Ang ama ni Soriano na si Jeric Soriano ay pinsang buo ni Liza.
Nagsilbing wedding sponsor nina Soriano at Gonzaga sina Marcos Jr., at Liza.
Ipinanganak at lumaki sa Los Angeles, California si Soriano at lolo niya ang actor na si Nestor de Villa.
Naging bantog sa film industry si Soriano lalo nang manalo bilang Best Director at Best Screenplay sa Film Academy of the Philippines (FAP) Awards noong 2012 para sa pelikulang “Thelma.”
Nasungkit niya ang Best Director award sa Metro Manila Film Festival (MMFF) para sa pelikulang “Siargao” noong 2017.
Naging nominado rin siya sa FAP Awards, Gawad Urian, Golden Screen Awards, MMFF, at sa Tokyo International Film Festival.
Kaugnay nito,sinabi ng Palace source na posibleng italagang PCOO Undersecretary ang broadcaster na si Aljo Bendijo habang ang vlogger na si RJ Nieto a.k.a. Thinking Pinoy ay hahawak din umano ng mataas na posisyon sa kagawaran.
Noong Martes, 17 Mayo 2022 ay unang iniulat ng HATAW na ang sikat na abogada at vlogger na si Trixie Angeles ang napipisil na maging kalihim ng PCOO kapalit ni Martin Andanar.