ARESTADO ang isang Taiwanese national sa 600 gramo ng ketamine na aabot sa P3,000,000 ang halaga sa isinagawang controlled delivery operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Central Luzon nitong Martes ng madaling araw, 17 Mayo.
Kinilala ang arestadong suspek na si Cheng Hong Liao, 33 anyos, may asawa, residente sa Tainan, Taiwan nakompiskahan ng bagaheng naglalaman ng ketamine na idineklarang air purifier at dumating sa Port of Clark nitong 12 Mayo.
Ayon sa chemist ng PDEA-3, “Ketamine is a dangerous drugs classified as hallucinogenic drugs. It can sedate, incapacitate, and cause short term memory loss, and because of this, some people use it as date-rape drug.”
Nakompiska sa operasyon ang dalawang nakatagong kahon na may anim na pirasong stainless steel water purifier ang nadiskubre na naglalaman ng 600 gramo ng ketamine.
Isinagawa ang nasabing operasyon ng magkasanib na mga operatiba ng PDEA Central Luzon, Bureau of Customs (BoC) Port of Clark, Southern Police District, at Makati CPS.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 4 (importation of dangerous drugs) ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang naarestong dayuhang suspek. (MICKA BAUTISTA)