ni ROSE NOVENARIO
IPATUTUPAD ni presumptive vice president Sara Duterte na ibalik ang mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) program sa kanyang pag-upo bilang Department of Education (DepEd) secretary.
Sinabi ito ng malapit na kaibigan ni Sara na si Atty. Bruce Rivera sa panayam sa programang ‘Wag Po sa One PH kagabi kasunod ng pahayag ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ng anak ng diktador at presumptive President Ferdinand Marcos, Jr., na tinanggap ni Sara ang posisyon ng education secretary ng kanilang administrasyon.
“Inday really wants to, the return of mandatory ROTC, ‘yun talaga,” ani Rivera.
Hindi aniya inaasahan na mapupunta kay Sara ang education department dahil ‘girly-girly department’ ito na kalimita’y ang iniluluklok na kalihim ay may ‘imaheng lola.’
“Sara as education secretary is something na unexpected kasi ‘di ba DepEd parang girly-girly na ano ‘yan e department… Something new and a welcome appointment,” ani Rivera.
“When we look at the teacher I usually think of a mother or my grandma… Lola ko ‘yung teacher ko e,” dagdag niya.
Giit ni Rivera, batid ni Sara na ‘spare tire’ lamang ang kanyang papel bilang bise presidente at wala siyang ambisyon maging presidente.
“Alam niya kung anong trabaho niya, she’s not there as a vice president who has ambition to be president in the future. ‘Yun ang iniiwasan niya. That’s not how she wants to do the job. She knows her position here is spare tire,” paliwanag ni Rivera.
Maaaring ipatupad ni Sara ang mandatory ROTC sa senior high school dahil saklaw ito ng kapangyarihan ng DepEd kung may ipapasang batas ang Kongreso na magtatakda sa pagbabalik ng mandatory ROTC.