NAKAHANDA na si incumbent Governor Daniel Fernando na muling maupo sa Kapitolyo ng Bulacan batay sa partial at unofficial results ng May 9 elections na inilabas nitong Lunes, 10 Mayo 2022.
Kumandidato si Fernando sa ilalim ng National Unity Party (NUP) at nakakuha ng botong 967,798 hanggang 8:47 am kahapon sa halos 98 porsiyento ng election returns na naipadala mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan.
Samantala, nakakuha si incumbent Vice Governor Wilhelmino Sy-Alvarado, tumakbo sa ilalim ng ruling PDP Laban party ng botong 571,935, habang ang tatlo pang kandidato sa gubernatorial race ay may botong mas mababa sa 23,000 bawat isa.
Gayondin, nanguna ang running mate ni Fernando na si provincial board member at dating aktor na si Alex Castro sa vice gubernatorial race sa botong 742,216, samantala, nakakuha si Jonjon Mendoza ng PDP Laban ng botong 609,816.
Si Fernando na dati rin aktor ay sinuportahan ang presidential bid ni Vice President Leni Robredo.
Sa kabila ng endorsement ni Fernando, si dating Senator Ferdinand Marcos, Jr., ang nakakuha ng pinakamaraming boto sa mga presidential aspirants sa Bulacan sa botong 1,016,388 samantala nakakuha si Vice Presidente Leni Robredo ng 490,860 boto.
Noong 2016 vice presidential race, nakakuha si Robredo ng 366,000 boto sa Bulacan kompara sa 556,000 boto ng kanyang mahigpit na katunggaling si Marcos.
Ang Bulacan ay sinasabing vote-rich province, na mayroong 2,007,523 rehistradong botante ayon sa datos mula sa Commission on Elections (COMELEC). (MICKA BAUTISTA)