MAHABANG PILA at mga isyu sa vote counting machines (VCMs) ang naitala sa mga unang oras ng pagboto sa mga presinto sa ilang bayan sa Bulacan kahapon, 9 Mayo 2022.
Ang botohan ay nagbukas sa polling precincts ng eksaktong 6:00 am at kahit maaga pa ay dumagsa ang maraming botante.
Ang mamamayan, pawang nakasuot ng face masks ay nagsimula nang pumila bago magmadaling-araw upang bumoto sa loob ng elementary schools at iba pang venue na ginamit bilang polling stations sa Bulacan.
Maihahalintulad sa isang pelikula na blockbuster ang mahabang pila, pagpapatunay na nais ng maraming Filipino na marinig nang malakas ang kanilang mga tinig.
Ayon sa isang senior citizen sa Pandi, Bulacan, na si Ginoong Herminio Oliveros, ang mahabang pila ay nagpapahiwatig na maraming Filipino ang gustong gamitin ang kanilang karapatang bumoto.
Idinaos ang eleksiyon sa gitna ng CoVid-19 pandemic, at ang mga botante ay kinakailangang dumaan sa temperature check bago sila payagan na makapasok sa loob ng mga voting precincts.
Pero dahil sa napakalaking buhos ng mga tao, ito ay nahirapan nang isagawa sa ilang lugar, tulad sa Siling Bata Elementary School sa Pandi, Bulacan, na hindi na naipatupad ang temperature check. (MICKA BAUTISTA)