ISA-ISANG pinagdadakip ang limang katao na pawang gumawa ng mga paglabag sa batas sa inilatag na operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 7 Mayo.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PNP, sa unang operasyon ay nagresponde ang mga tauhan ng Paombong MPS sa ulat na may nagpapaputok ng baril sa Brgy. Sto. Niño, Paombong na ikinatakot ng mga residente.
Nagresulta ito sa pagkakaaresto sa suspek na kinilalang si Gilbert Ico, 28 anyos, residente sa Brgy. Anilao, Malolos kung saan narekober ang isang kalibre .38 rebolber, mga basyo, at bala.
Kasalukuyang nakadetine sa Paombong MPS custodial facility ang suspek na nahaharap sa mga kasong Alarm and Scandal at paglabag sa umiiral na Omnibus Election Code.
Gayondin, sa inilatag na checkpoint operation ng mga tauhan ng Plaridel MPS sa Brgy. Parulan, Plaridel, nadakip ang suspek na kinilalang si Melson Liwanag, alyas Ton, 28 anyos, residente sa Brgy. Cambaog, Bustos dahil sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nabatid na unang pinara ang suspek na sakay ng isang itim na motorsiklong Honda Click dahil sa paglabag sa RA 4136 (no helmet).
Sa paghalughog ng mga awtoridad, nakita ng mga awtoridad ang nakataling pakete na naglalaman ng hinihinalang tuyong dahon ng marijuana.
Kasunod nito ang isa pang pagresponde ng mga awtoridad, nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang suspek sa kasong Attempted Murder sa Brgy. Tugatog, Meycauayan, na kinilalang sina Ar-Jay Andaya, 19 anyos; at Jonald Andaya, 23 anyos, kapwa mga residente sa naturang barangay.
Dinakip ang mga suspek matapos pagsasaksasakin gamit ang kitchen knife at paluin ng bote ng alak ang biktima dahil sa pagtatalo.
Samanatala, sa ikinasang anti-illegal gambling operations ng mga operatiba ng Marilao MPS, nasukol ang dalawang suspek na naaktohan sa pagsusugal ng ng ilegal na ‘colors game.’
Narekober mula sa mga suspek ang isang set ng colors game board, tatlong colors game dice, at bet money sa iba’t ibang denominasyon.