SUGATAN at nagkapasa-pasa ang apat na joggers nang ararohin ng Honda SUV sa White Plains Avenue sa Quezon City, nitong Linggo ng umaga.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Baluyao Lobado Angela, 35 anyos, call center agent, residente sa Arayat St., Mandaluyong City; Ong Lee Michael, 47, optometrist, ng L. Parada St., Mandaluyong City; Blancia Puyong Edelyn, 36, overseas Filipino worker (OFW), residente sa Calderon St., Brgy., Addition Hills, Mandaluyong City, at Dealagdon Ocelia Alfredo, jobless, naninirahan sa Banana St., Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City.
Kinilala ang suspek na si Patrick Anthony Ang, 24 anyos estudyante, naninirahan sa Swallow Drive, Green Meadows Subdivision, Brgy., Ugong Norte, Quezon City.
Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 3, bandang 5:15 am, 8 Mayo, nang maganap ang insidente sa kahabaan ng White Plains Ave., Eastbound lagpas ng Camp Aguinaldo Gate 5, Barangay Ugong Norte, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni P/SMSgt. Jose Soriano ng Traffic Sector 3, nagda-jogging ang mga biktima sa White Plains Avenue patungong Temple Drive East, habang ang suspek na sakay ng Honda Mobilio, may plakang NCZ-1982 ay galing sa EDSA papuntang Green Meadows Gate 1.
Pagsapit sa Brgy. Ugong Norte, biglang nasalpok ng minamanehong sasakyan ng suspek ang mga joggers na tumilapon sa bangketa.
Agad isinugod ang mga biktima sa Quirino Memorial Medical Hospital at Saint Luke’s Hospital na pawang nagkapasa-pasa at sugat-sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nakapiit ang suspek habang inihahanda ang kasong reckless imprudence resulting to multiple physical injuries with damage to property. (ALMAR DANGUILAN)