USAPING BAYAN
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
ANG PAGGALANG sa ating mga magulang ay sagrado para sa ating mga Filipino dahil hindi lamang ito kaugalian na nakaukit sa ating kultura, ito rin ay pinanghahawakan nating mga Katoliko bilang ika-apat na utos ng Diyos (Ika-lima para sa mga protestante at hudyo).
Kaya laking lungkot ko nang mabasa sa social media ang isang bukas na liham ni Lorenzo Legarda Leviste, anak ni Loren Legarda, kung saan itinatwa at minura niya ang kanyang nanay dahil sa pagtakbo nito bilang senadora sa ilalim ng UniTeam Alliance, ang partido ng mga Marcos. Hindi ko kilalang personal at lalong hindi ako naniniwala o tagasunod ni Loren pero may palagay ako na maling-mali ang anak niya sa kanyang ginawa.
Ang bukas na liham na ito ay inilathala sa Rappler noong ika-4 ng Mayo. Ang babasahing ito ay babasahin ng mga elite na umano ay makakanluran at pinopondohan ng mga dayuhan. (Ito ang link kung ibig ninyo basahin ang nakalulungkot na sulat:
Maaaring magkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang anak sa kanyang mga magulang at maaaring magkaroon ng mga tampuhan pero walang katwiran ang magbibigay hustisya sa pagmumura at pagtatatwa ng isang anak sa magulang. Tila hindi alintana ni Lorenzo, na matagal nang naninirahan sa isang kanluraning bansa, na kaya siya nagkaroon nang kakayahan na mangatwiran ay dahil sa kanyang magulang.
Hindi ko sinasabi na huwag mangatwiran o sumunod na lamang nang bulag kung ang anak ay tapat na naniniwala na mali ang mga magulang. Ang sinasabi ko ay huwag bastusin at ilantad pa sa publiko ang pambabastos dahil TAMA man o MALI, magulang pa rin sila na karapat-dapat galangin. Mangyaring lumabas na lamang ng bahay kung talagang naniniwala ang anak na mali ang posisyon ng kanyang mga magulang sa isang usapin pero nungkang murahin at itatwa sila ng anak.
Naaalala ko noon na maraming pagtatalong naganap sa aming tahanan dahil magkaiba kami ng posisyon ng aking tatay (si nanay ang tagapamagitan o tagaalo) sa mga usaping panlipunan pero kahit kailan hindi ko siya minura o nilapastangan. Lalabas na lang ako pero pagbalik ko, ako ay isa na muling mahinahong anak, ‘di kaya ay mananahimik na lamang sa isang tabi nang hindi na lumawak pa ang hindi pagkakaunawaan. Maaaring hindi ko sundin ang kanyang kagustuhan dahil sa prinsipyong pinaghahawakan pero mananatili ang aking paggalang o pasintabi sa kanya dahil siya ang aking ama.
Ang paggalang sa magulang ay ugaling Filipino at ugaling Asyano. Walang puwang sa ating lipunan ang mga walang galang sa magulang dahil nagpapakita rin ito ng kawalan ng Utang na Loob, na isa rin haliging kaugalin nating mga Filipino na inuunos ng panlilibak ng mga makakanluran nating kababayan. Ang paggalang sa magulang at matatanda ay nakatatak sa himaymay ng ating lahi at katauhan.
Ngayon, pag-isipan natin, kung ang kandidato sa pagkapangulo na mananalo ay makakanluran ay tiyak na darami ang mga anak na walang galang sa magulang dahil ito ang kamulatan na kanilang ipatutupad sa sistemang pang-edukasyon at halimbawang ipakikita sa publiko. Sisirain ng mga makakanlurang ito, sa ngalan ng pagiging mulat, anti-pyudal, malaya, anti-pasista; ang ating mga banal na kaugalian. Magiging mga estranghero tayo sa ating mga anak sa loob mismo ng ating mga tahanan.
Upang maiwasan ang ganitong kalungkot-lungkot na kahihinatnan ng ating mga kabataan ay marapat lamang na itaguyod natin ang mga kandidato na magtataguyod ng Filipinismo at idalangin natin ang kapatawaran ng mga napaririwang anak.