ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
NANINIWALA ang retired PBA superstar na si Alvin Patrimonio na puwedeng maglingkod ang isang basketball player bilang public servant. SiAlvinay tumakbong mayor ng Cainta, ka-tandem niya ang broadcaster at dating mayor nito na si Mon Ilagan, na tumatakbo naman bilang Vice Mayor.
Maraming magagandang plano sa Cainta si Alvin. Kabilang dito ang gawing priority ang senior citizens, PWD’s, at solo parent, ayusin ang health care system ng Cainta, magpatayo ng hospital, ayusin ang mga health center, maglagay ng Botika ng Bayan, sports programs, ang hinggil sa matagal nang problema na matinding baha sa kanilang bayan, at ang pabahay.
Dati pa raw may mga kumukumbinsi na sa kanyang pasukin ang mundo ng politics, pero naniniwala siyang hindi pa dumarating ang right time.
Ani Alvin, “Puwedeng ang isang basketball player ay maglingkod. Ipinagdarasal ko po ito, matagal na kasi may nag-iinvite sa akin to run for public office, kahit noong naglalaro pa po ako, sabi ko hindi pa po time. Ngayon po talaga ay maganda ang timing po, na from basketball arena to political arena naman.
“Ang purpose naming lahat is to serve… kaya naging choice ko na rin na pumunta po sa larangan ng politika.”
Aniya pa, “Ito na po ang choice ko, natamasa ko naman po, nabuo ko ang success as a basketball player, ngayon gusto kong magkaroon ng significance naman. Kaya nag-decide ako talaga to run for public office.”
Diin pa ni Alvin, “Bago po ako mamatay, gusto kong mas maraming matulungan at mapaayos ko ang buhay ng aking mga kababayan.
“From the start ng campaign po, hanggang ngayon po, talagang nakakatuwa kasi may mga tao po na talagang nakikitaan nyo sila ng pag-asa, nagkakaroon po sila ng pag-asa.”
Idinagdag pa ni Alvin na dream niya rin ang magkaroon ng magandang coliseum ang Cainta.