MAS kursunada ng mga anak ni Vice President at presidential aspirant Leni Robredo ang house-to-house campaign dahil mas mabait ang tao sa personal kaysa online.
Sa panayam kay Aika Robredo, panganay na anak ni VP Leni, sa programang Short Take sa One PH, sinabi niyang ang house-to-house campaign ang nakasanayan at mas gusto nilang paraan para maabot ang iba’t ibang uri at saray ng mga tao at maipahayag ang plataporma ng kanilang magulang bilang kandidato.
Sinamahan ng Short Take si Aika nang mag-house-to-house campaign sa Barangay Darangan sa Binangonan, Rizal kamakailan.
“Sa totoo lang, kaming magkakapatid, ito ang alam naming klase ng pagkampanya kasi ang Papa namin ay dating Mayor, si Mama congresswoman. Ito ang nakasanayan naming paraan para maabot ‘yung iba-ibang tao. Talagang mas gusto namin ‘yung tao sa tao ang usapan kaya mas gusto namin ang house-to-house,” ani Aika.
Ipinaliwanag niyang ang puso ng kampanya ng presidential bid ng kanyang ina ay people’s campaign na binububo ng volunteers kaya’t ibinabalik nila ang personal na pangangampanya kaysa umasa sa social media.
“Ang puso talaga ng kampanyang ito ay people’s campaign, volunteers and marami sa kanila nagtatanong, paano sila makatutulong. Sabi namin, bakit hindi natin gawin house-to-house, reaching out to the people and tingin ko rin dahil ngayon ang panahon na lahat tayo ay nalulunod sa Facebook, sa social media, magandang ibalik ulit ‘yung usapan sa labas at gawing face-to-face,” aniya.
“Ako halo-halo, may mga supporters na Leni, may supporters ng ibang kandidato, ‘yung reaction ng supporters ng ibang kandidato nababali rin. Pero ‘yung sa akin kasi mas mabait talaga ang mga tao in person kaysa online,” dagdag niya.
Matatandaan, sa ginanap na pagdinig sa Senate Constitutional Amendments and Revision of Codes committee noong nakaraang Pebrero, nihayag ni University of the Philippines Journalism Professor Yvonne T. Chua, si VP Leni ang pinamalaking biktima ng disinformation o fake news sa social media.
“A lot has come out ahead of the May elections. Of the 200 (subjected to fact-checking), based on our initial analysis… majority of those are directed against presidential candidate and Vice President Leni Robredo. Every week, she is the biggest victim of disinformation or negative messaging regardless of the issue being discussed at the time,” sabi ni Chua.
Para kay Atty. Rico Domingo, convenor ng Movement Against Disinformation, dapat i-regulate at alisin sa mass media at social media para masupil ang mga pekeng impormasyon dahil mapanganib ito kapag pinaniwalaan ng mga kabataan at mapaboran sa halalan ang mga kandidatong nakikinabang rito.
“Kung ano-ano ang inilalakong fake information sa Tiktok at other like Facebook at YouTube, ‘yun ang nakikita at nababasa ng mga kabataan at mga electorates, d’yan ang danger na ating hinaharap ngayon kaya dapat ‘yan ay susupilin at ire-regulate at aalisin sa mass media at social media platforms,” sabi ni Domingo sa programang Sa Totoo Lang sa One PH.
Napakabilis aniyang kumalat ang fake news sa social media pero mahirap iwasto.
“Mataas ang kanilang subscriber at ngayon in this era of internet, napakabilis. Ilagay mo lang diyan, in a few second, nandiyan na ‘yan nakapaskil na ‘yan unlike the standard press na matagal pa bago ma-print,” sabi ni Domingo.
“Mabilis ang daloy ng mensahe, ‘yan ang nakatatakot d’yan at ‘di mo mako-connect agad ‘yung gawa ng nasa stream agad, ‘yan ang nakababagabag sa ating social media environment right now kaya dapat ‘yan, tingnan mabuti ang mga materyales na disinformation, mga fake news. Bigyan kaagad ng linaw kung ano ba ang totoo at hindi totoo. Ano ang disinformation at true and authentic information,” ani Domingo. (ROSE NOVENARIO)