Thursday , December 26 2024
USAPING BAYAN ni Nelson Flores

Bakit siya?

USAPING BAYAN
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.

HINDI lingid sa ating kaalaman na ang mga miyembro ng mga umano’y “kilusang progresibo ng masa”  at mga aktibista nila ay halos magkandarapa sa pagsuporta sa kandidatura ni Bise Presidente Leni Robredo para sa pagka-presidente ng bansa. Bukod sa kanila, naiulat din kamakailan na ang Communist Party of the Philippines at ang hukbo nitong New People’s Army, kasama na rin ang National Democratic Front, ay nagpahayag din ng suporta sa kanya.

Ang pagsuporta nilang ito ay sa kabila ng resulta ng mga magpagkakatiwalaang survey ng Pulse Asia at Social Weather Station na nagpapakita na ang taong bayan ay mas kumikiling sa kandidatura ni Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., o BBM. Malayong-malayo ang posisyon ng mga umano ay kilusang masa sa masang kanilang ipinaglalaban at pinaglilingkuran kuno.

Hindi sana nakapagtataka ang ganitong kalalagayan kung ang nagpapakita lamang ng suporta sa bise presidente ay ‘yung mga makakanluraning oligarkiya ng bansa (pro western upper and middle class oligarchs) dahil kauri nila si Robredo. Ang hindi ko maunawaan ay kung bakit ang mga sinasabing mga progresibo ay sumusuporta sa isang kandidato na tiyak magkakampo sa atin sa kanluran at taimtim na magpapatupad ng mga patakaran ng International Monetary Fund at World Bank sa bansa.

Hindi kaila na ang nakikinabang lamang sa mga patakaran ng IMF/WB ay ang mga kanluranin at hindi ang ating bayan. Bukod dito ay nasa isang dambuhalang banggaan ang mga kanluranin (ito ‘yung mga dating kolonyador ng Asya, Afrika at Timog Amerika) at mga Asyano, kakampi ‘yung mga nasa tinatawag na Global South (mahihirap na bansa ng mundo). Bakit kailangang kampihan nila ay ‘yung kandidato na lalong magbabaon sa atin sa kaalipinan sa mga dayuhan at kahirapan.

Napupulsohan ng bayang Filipino ang tunay na kulay ni Robredo kaya ang higit na nakararaming bilang nila ay maka-BBM. Bakit hindi mabasa ito ng mga umano ay ‘kilusang masa?’ Sa ginagawa ng mga grupong ito ay para nilang ipinagkakanulo ang kanilang mga pinaniniwalaan. Siguro nga dahil ‘baog’ na ang kanilang mga pagsusuri at sila mismo ay maaaring hindi na rin naniniwala rito kaya si Aling Leni na lang ang kanilang sinuportahan. Wala na silang mapiling ‘intelektuwal’ na ‘tulad nila.’

Sayang, kasi puwede naman sana na si Ka Leody De Guzman ang kanilang sinuportahan dahil magkahalintulad ang kanilang mga isinisigaw. Pero dahil si Ka Leody ay tunay na anakpawis, hindi katulad nilang ‘pseudo burgis’ at ‘intelektuwal,’ pero dahil hindi nila kalinya sa samahan kaya hindi nila tinulungan. Malinaw na hindi paniniwala sa prinsipyo kundi pagka-wow sa personalidad ang gumagabay sa mga umano ay ‘kilusang masang’ ito. Ngayon nagtataka pa ba kayo kung bakit hindi makaahon-ahon sa pagkakalugmok ang nasabing mga grupo?

Ang panlipunang analysis ng mga grupong ito ay pinaglumaan na ng panahon. Dekada 60 pa ang basehan nila sa pagkilos at hinalaw mula sa pilosopiyang kanluranin. Hindi rin ideolohiyang Filipino o kaisipan ang kanilang ginagamit kaya tunay na malayo sa taong bayan. Para sa kanila, tulad ni Aling Leni, ang mahalaga lamang ay huwag maupo sa poder si BBM dahil sa umano ay pagkakasala ng mga magulang niya sa bayan. Reaksiyonaryo, emosyonal at hindi mapanuri ang ganitong pananaw.

Sa kabilang banda ay may mga nagsasabi na kaya ayaw nila kay BBM ay dahil wala itong programa. (Paki bisita n’yo nga po ito: https://www.facebook.com/BongbongMarcos/videos/525357555803314 ng makita ninyo ang ilang bahagi ng kanyang plataporma).

Tama na may problema si BBM pero sino sa mga pulpolitiko ang hindi gumawa ng mga ibinibintang nila kay BBM. Saksi ang panahon mula 1986 hanggang ngayon sa kanilang korupsiyon. Ang masakit ay nangurap na nga sila pero walang nagawa o naipakita. Inubos lang ang iniwan ng mga Marcos.

Kasabay nito, kung ikokonsidera ang nangyayaring banggaan ng kanluran at silangan, si BBM ay masasabing mas nakaporma na dalhin tayo sa silangan at bagong kaayusan ng daigdig dahil sa naranasan ng pamilya niya sa kamay ng mga kanluranin. Naniniwala rin ako na dahil sa laksa-laksang panlilibak na inabot nila sa kamay ng mga dilawan at mga progresibo umano ay hindi kikilos nang masama si BBM.

May hinala ako na magiging mabuti siyang pangulo ng bansa. Kompara sa lahat ng mga kandidato na naghahangad ng poder. Maaaring mali ako pero panahon lang ang makapagsasabi nito at kaya patuloy akong humihingi ng kaliwanagan mula sa Diyos. Ngayon, kung sakali na mali ako ay ngayon pa lamang ay hihingi na ako ng paumanhin sa inyo at sa ating Dakilang Manlilikha.

Patawad po Panginoon ko dahil hindi naging sapat ang aking pang-unawa para maunawaan ang inyong kagustuhan. Paumanhin bayan kong mahal at sa lahat ng mga nagtiwala sa akin kung ako man ay nagkamali sa aking pagsusuri. Amen.

About Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …