RATED R
ni Rommel Gonzales
LUMAKAS ang loob ni Herlene “Hipon Girl” Budol sa suporta ng “hiponatics” nang makapasok siya sa Top 40 ng Binibining Pilipinas. Ang adbokasiyang isusulong ni Hipon Girl ay ang ukol sa autism.
Noong Biyernes, labis na ikinatuwa ni Herlene ang pagpasok niya sa top 40 ng. Nitong Sabado naman, nag-post siya ng impromtu photo shoot niya na suot ang yellow gown Thai royalty inspired.
“Grabe at sobrang lunod ang aking messenger sa mga pagbati ng ‘Congratulations Hipon!’ TY ng marami tlga!” saad niya sa caption.
“Nakatataba po ng puso ang pag cheer up nyo sa akin at lumalakas loob ko dahil yan sa inyo mga Ka-Hiponatics,” dagdag pa ni Herlene.
Nagpasalamat din siya sa mga sumusuporta sa kanyang adbokasiya na autism awareness and detection.
“TY po ng marami mga Super Mom at mga single mom na nag hahanga sa aking Advocacy dahil may anak din sila Autism,” aniya. “Kung love nyo po ako mga super mom, love ko rin po kayo dahil sa mga pinag dadaanan nyo po. Saludo po ako sa inyo at Sisikapin ko maging Spokeperson sa aking Advocacy para makatulong sa mga nangangailangan.”
Naghahanda na ang kanyang team ng perfect look and training para matulungan siyang makuha ang korona.
Sa kabila ng pananabik at kasiyahan, hindi pa rin nawala ang pagiging masayahin at palabiro ni Herlene nang ipakilala ang sarili sa kanyang post.
“Ako nga pala si Binibining Nicole Budol aka Herlene Hipon at naniniwala sa kasabihan for today ‘Kung naninikip ang dibdib mo, pwes, paluwagin mo ang Bra mo,'” aniya.
Nang malaman ni Herlene na pasok siya sa Top 40, inihayag niya sa post nitong Biyernes na, “Ohmygad nung tinawag ang #67 na speechless po ako at wala pa rin akong tigil sa kaka-iyak dito sa backstage.”
“Thank you Lord for hearing and answering my prayers!,” dagdag niya. Ang mananalo sa Binibining Pilipinas 2022 ang magiging kinatawan ng bansa sa Miss International, Miss Globe, Miss Intercontinental, at Miss Grand International.