HARD TALK
ni Pilar Mateo
AMINADO naman siya na sa kasagsagan ng CoVid-19 na gumupo rin sa kanya, pakiramdam na nga ng sinakluban ng langit at lupa ang pinagdaanan ng Mash Up Queen na si Ate Gay.
Unti-unti ang pagbangon. Nagtinda-tinda pa at nagkarinderya para maibahagi rin ang kaalaman niya sa pagluluto.
Halos nabura sa balat ng entertainment ang shows sa comedy bars. At nagtiklupan na nga halos lahat ng sinasalangan nila gabi-gabi.
Pero dasal ang sandata ni Ate Gay sa lahat ng pinagdaanan. Alam din niya sa loob niya, na may magagandang mga bagay din siyang naibahagi sa kapwa niya.
Kaya ngayong buhay na naman ang entertainment scene, hindi siya nawawalan ng panahon para maya’t mayang magpasalamat sa mga dumarating na offers sa kanya para muling mapanood sa entablado.
“Iba pa rin ang pakiramdam na nakikita at naririnig mo ang audience. Na may palitan ng jokes. Ganoon. Siyempre kapag nawala ka sa eksena maiisip mo na baka nakalimutan ka na rin ng tao. Kaya noong magsimula na naman ako ay mga kasama ko na masalang like rito sa ipinagpapasalamat din namin kina Daddy Doc at Nanay Jobert Sucaldito, na buksan muli ang The New Music Box, naiyak talaga kaming lahat sa unang sampa. Tapos, nakita ‘yung mga tao.”
Ang hirit nga nila sa customers, fully vaccinated naman lahat ng nasa MB kaya safe na magtanggal ng mask kung kakain at iinom.
Paborito actually ng press si Ate Gay. Sa ilang taon na nitong naikot ang sing-along bars, nag-iwan na siya ng tatak na kanya lang, bukod sa pag-impersonate niya sa Superstar.
Kaya nga siya agad ang naisip ng The T.E.A.M. (The Entertainment Arts and Media) na i-produce sa MB sa pupuno ng Kantawanan sa Covid Out, Ate Gay In sa Abril 28, 2022, 8:00 p.m. na ididirihe ni Obette Serrano.
Isa pang dahilan kung bakit agad na tinaggap ni Ate Gay ang paanyaya at binitbit ang co-performers niyang sina Daxx Martin, Regina Otic, at EJ Salamante ay dahil sa ang beneficiary ng palabas ay ang mga elderly sa GRACES (Home for the Aged).
“Noong kasagsagan ng pandemic, hindi naman lingid sa kaalaman ng tao na nagkaroon ako ng malubhang karamdaman at sa awa ng Diyos nakuha sa dasal at pagmamahal ng pamilya.
“Kung may nabago, mas tumaas ang boses ko ngayon kaya may aabangan naman sila sa akin na kakaiba. Dahil siguro sa matagal-tagal ding naipahinga.”
Bibigyang daan din ng palabas na matunghayan ang talento ng special guests na sina Erika Mae Salas, Janah Zaplan, Jasmine Heart Domingo, Lester Paul Recirdo, Marc Cubales, at Yohan Castro. At itatampok ang mga artist ng 3:16 Media Networks na sina Sean de Guzman at Karl Aquino.
Nais ipaabot ng TEAM ang pasasalamat kina Ms. Emma Cordero, Centerstage Productions, Joed Serrano, Julie Defensor, Joyce Peñas Pilarsky, BG Productions, PC Gooodheart, Skin Light Bodycare, Beauty Lab, Princess Revilla Foundation and Queen Eva’s Salon.
Tickets priced at P1,000 each and are available at the gate . For details, call or text Anne at 0956-960-6984 and Nonie at 0908-234-7688.
Kantawanan with the Ate Gay and her special friends. Siguradong walang uuwing sad…May pasabog nga ba ang Mash Up Queen?