NAILIBING na ang 2-anyos batang babae na namatay matapos ihampas sa pader ng kanyang tagapag-alaga sa Quezon City, pero natuklasan ng mga pulis na posibleng minolestiya ang bata dahil namamaga ang ari nito.
Dahil dito, tinutugis ang anak na lalaki ng suspek na si Rowena Daud, 36 anyos, tumakas at nagtatago.
Ayon sa pulisya, agad ipinalibing ang biktimang itinago sa pangalang Baby Abby, nang dumating ang kanyang nanay na overseas Filipino worker (OFW) na nagtatrabaho sa Libya bilang kasambahay.
Batay sa ulat, dakong 1:00 pm nitong Sabado nang dumating sa Filipinas ang ina ng bata, na tulala at hindi makausap.
Dahil walang pasahe, mismong ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at mga kabarangay ang sumundo sa ginang mula sa paliparan at sinamahan sa ospital kung saan nakalagak ang labi ng kanyang anak.
Nang makuha ang bata mula sa ospital, dinala ito sa mosque ng Brgy. Culiat, Quezon City para masunod ang ritwal nang paglilibing ng mga Muslim.
Hindi na rin pinahintulutan ng ginang na maisailalim pa sa awtopsiya ang bangkay ng anak, dahil labag ito sa tradisyon ng mga Muslim.
Dahil walang pampalibing sa anak, pinakiusapan ang pamunuan ng libingan na payagang mailibing ang bata kahit wala pang pambayad.
Sa ilalim ng tradisyong Islam, kinakailangang mailibing ang labi ng isang yumao, sa loob ng 24-oras pagkamatay nito.
Nag-ambagan ang mga tauhan ng QCPD- Police Station 14 para may maitulong sa ina ng bata.
Maging ang tribal leader na si Rony Sala ay nananawagan din ng tulong pinansiyal sa kanilang mga kapatid na Muslim.
Kaugnay nito, kinompirma ng QCPD na naisampa na ang kasong murder at child abuse sa suspek na si Daud.
Batay sa rekord ng PNP, Miyerkoles ng gabi nang dalhin mismo ni Daud sa ospital ang bata. Nalaman naman ng mga pulis ang pangyayari kinabukasan nang ireport ng pagamutan sa kanila.
Sinabi umano ni Daud na nahulog ang bata sa hagdan kaya isinugod sa ospital ngunit duda rito ang mga pulis dahil maraming sugat at pasa ang mga bata sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kalaunan ay umamin umano ang suspek sa mga imbestigador na sinasaktan ang paslit kaya’t may mga pasa sa katawan.
Ayon sa suspek, nabuburyong umano siya dahil bukod sa biktima, inaalagaan din niya ang kapatid nitong 8-buwan gulang na sanggol, at ang tatlo pa niyang sariling anak.
Inamin niyang ibinalibag niya ang paslit at tumama ang katawan sa pader kaya isinugod sa ospital.
Batay sa rekord, Disyembre 2021 nang umalis sa Filipinas ang ginang upang magtrabaho sa ibang bansa at iniwanan ang mga anak sa kanyang recruiter.
Gayonman, nang magkaroon nang hindi pagkakaunawaan, ipinakuha ng ginang ang mga anak sa kanyang kaibigang si Daud mula sa recruiter, ngunit hindi akalaing ito ang sasapitin ng anak. (ALMAR DANGUILAN)