NAKATAKDANG lumarga ang mga baguhan pero magagaling na kabayo sa 2022 Philracom “Road to Triple Crown Stakes Race” sa pista ng San Lazaro Leisure & Business Park sa Carmona, Cavite sa Linggo.
Ang nasabing stakes race ay prebyu sa paparating na pantaunan at prestihiyosong Triple Crown. Dito masusukat ng mga aficionados kung sino ang dapat abangan na aangat sa mga bagitong kabayo.
Ang mga nominado at deklaradong kalahok na itatakbo sa distansiyang 1,400 meters ay ang mga kabayong Bacuit Bay (RD Raquel), Basheirrou (KB Abobo), Eazacky (CP Henson), Enigma Uno (JL Paano), Ipolitika (MA Alvarez), King Hans (PO Refe), Lauriatisimo (FS Parlocha), Lucky Choice (RM Garcia), at Pharaoh’s Star (PM Cabalejo).
Magdadala ang fillies ng timbang na 52 kgs, samantalang ang colts ay magkakarga ng timbang na 52 kgs.
May guaranteed prize na P500,000 papremyo na hahatiin ng mga sumusunod: 1st P300,000, 2nd P100,000, 3rd P50,000, 4th P25,000, 5th P15,000, at 6th P10,000.