DINEPENSAHAN ng ilang netizens si independent presidential candidate Panfilo “Ping” Lacson laban sa ginagawang pag-atake ng anila’y nabubulag sa katuwiran at inilalayo ang tunay na isyu na isiniwalat ng tatlo sa mga kandidato sa pagkapangulo ngayong halalan 2022.
Reaksiyon ito sa naganap na press conference nitong Linggo (17 Abril) nina Lacson, Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, at dating Defense Secretary Norberto Gonzales ukol sa puwersahang pagpapaatras sa kanila ng ilang mga indibidwal mula sa kampo ni Vice President Leni Robredo.
Ayon sa kanila, dapat magpokus ang publiko, lalo ang mga tagasuporta ng bise presidente sa pinakaugat ng isyu at huwag gamitin ang ‘gender card’ para harapin ang mga balidong argumento na inilatag ni Lacson.
“The press con isn’t a misogynist act – rather just a joint statement of these candidates for the VP’s ‘alleged’ call for withdrawal… What’s important before making any judgement is not to be blinded by your support to a particular candidate,” ayon sa threaded tweets ng isang political science student na si Michael (@bokimfr).
Hindi rin umano makatarungan, ayon kay Roman Surtida (@rsurtida), na akusahan ng ‘toxic masculinity’ ang mga kandidato sa pagkapangulo na nagpahayag ng kanilang saloobin ukol sa pailalim na galawan ng mga naglilingkod kay Robredo.
“Keep throwing off-tangent accusations like ‘toxic masculinity’ against people who raised valid (issues) against you and keep wondering why you’re widely despised. Lather, rinse, repeat,” sabi ni Surtida sa kanyang tweet.
Sa Twitter, bumuhos ang mga malisyosong pahayag laban kay Lacson at sa dalawa pang presidential candidates na nakasama niya sa joint press conference para manawagan sa kampo ni Robredo na itigil ang ginagawang pagpapaatras sa kanilang kandidatura.
Nauna nang binanggit ni Lacson na hindi niya layuning siraan o paatrasin din si Robredo sa sarili nitong kampanya sa pagkapangulo. Ang nais lamang niya ay ituwid ng kanyang kampo ang mga tangkang pagpapaatras sa kanyang mga katunggali na umabot na sa puntong ‘inuhubaran’ sila ng kanilang mga support group sa pamamagitan ng pagpapakalat ng maling impormasyon laban sa kanila.
“To add more clarity, ano. Ang message namin is huwag kayong maniwala sa mga disinformation na mayroong magwi-withdraw sa amin — first and foremost — ‘yon ang message namin talaga. That’s the core message this morning,” paglilinaw ni Lacson sa nasabing press con.
“Because we’re emphasizing this morning: Nobody will withdraw. We’ll go all the way hanggang May 9, come what may. So, huwag na nating bilhin ‘yung kanilang mga propaganda. No matter how foul at saka below the belt, huwag na kayong maniwala na may mag-wi-withdraw sa amin because we’re going all the way up to Election Day,” dagdag niya.