ARLINGTON, Texas – Pinadapo ni Yordenis Ugas ang isang matinding kanan sa panga ni Errol Spence Jr para lumipad ang ‘mouthpiece’ nito sa Round 6.
Itinigil ni referee Laurence Colle pansamantala ang bakbakan at pinayagang maisuot ni Spence Jr ang natanggal na mouthpiece.
Maraming pumuna kay referee Cole sa naging desisyon niyang iyon dahil parang kumampi ito sa American boxer na makarekober sa tinamong matinding tama.
Pero para kay Spence, napasama pa sa kanyang diskarte ang pagkakahinto ng referee sa laban.
“I thought the ref said ‘stop,’ so I stopped,” pahayag ni Spence. “And then he hit me with three or four shots. That’s my fault. That was a rookie mistake. You’re supposed to protect yourself at all times, and I didn’t do that. I wasn’t out on my feet. I turned and looked at my mouthpiece and he hit me.”
Naging agresibo si Yordenis sa pagpapatuloy ng laban at sa parehong round ay tinamaan niya ng kaliwa na sinundan ng kanan si Spence Jr para mapakapit ito sa lubid na ayon sa mga nakapanood ay dapat na tinawagan ng knockdown.
Waring nagising si Spence sa sumunod na rounds at ayaw niyang mapahiya sa harap ng kanyang mga kababayan na nanood sa AT&T Stadium at simula siyang umatake para makontrol ang laban. Dito niya nahagip ng isang kaliwang uppercut si Ugas para magroge ito.
Unti-unti, dinodomina na ni Spence ang laban at sa round 9 ay simula nang sumara ang kanang mata ng Cuban boxer. At sa 10th round ay pinayuhan ng ringside doctor si Cole na itigil ang laban sa nalalabing 1:44 ng nasabing round.
Pagkatapos ideklarang nanalo si Spence via TKO ay dinala sa John Peter Smith Hospital si Ugas para maeksamin ang kanyang kanang mata.
Lamang si Spence sa tatlong hurado nang itigil ang laban: 88-82, 88-83, at 88-82.
Dahil sa panalo ni Spence, nakuha niya ang korona ng Cuban boxer sa WBA welterweight para idagdag sa tangan niyang titulo sa WBC at IBF. Tanging ang WBO title na lang ang hinahanap niya na tangan ni Terence Crawford para maging undisputed 147-pound champion.
“Everybody knows who I want next; I want Terence Crawford next,” sabi ni Spence, ESPN’s No. 6 pound-for-pound boxer. “That’s the fight that I want; that’s the fight everybody else wants. Terence, I’m coming for that motherf—ing belt.”
Sa mga nagdaang taon ay naggigirian na sina Spence at Crawford sa isa’t isa, at kung maikakasa ang laban ay tinatayang ito ang isa sa boxing’s biggest potential bouts.