LUMAKAS lalo ang puwersa ng mga tumitindig para sa tambalang Leni Robredo para sa pagka-pangulo at Sara Duterte para bise presidente. Kung mayroong Ro-Sa Movement na sinimulan ng mga politiko, isang people’s movement na binubuo ng higit 100,000 Filipino mula sa iba’t ibang sektor ang nagtatag ng Kay Leni at Sara Tayo (KALESA) Movement para isulong ang anila’y “tunay at may laman na pagkakaisa” sa susunod na administrasyon.
“Ang KALESA tandem ang kailangan ng bayan. Isang lider na nagpamalas ng competency at isang lider na nagpamalas ng tapang. Kaugnay nito, naniniwala kami na mas magiging bukas ang pinto ng pagkakaisa kung ang KALESA tandem ang magwawagi.
“Dalawang malaking kulay ng politika ang magiging magkasama at magkatuwang,” wika ng KALESA Movement sa kanilang opisyal na pahayag.
Ayon kay Olongapo Councilor Kaye Legaspi ng KALESA Movement, sa pagbuo ng grupong ito, inaasahang mas marami pang lalabas na mga tagasuporta ng tambalang Leni-Sara sa iba’t ibang bahagi ng bansa, lalo sa Central Luzon at Mindanao.
“We know that VP Leni has the momentum at pataas nang pataas [siya sa] survey and what we mean by tumataas, siyempre may bumababa. With Kalesa, she has the chance to solidify the Mindanao votes,” ani Legaspi, na miyembro ng Aksyon Demokratiko at dating sumusuporta sa kandidatura ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa pagka-pangulo.
Para sa isang miyembro nitong si Mike Abas, solido ang boto ng mga taga-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kay Leni dahil libo-libo ang napatay na Filipino Muslims sa kanilang lugar noong panahon ng Martial Law sa ilalim ng dating pangulo at diktador Ferdinand Marcos.
Pero sa pagka-pangalawang pangulo, pambato nila si Sara dahil siya ay kakatawan sa mga taga-Mindanao. Sa ibang bahagi ng Mindanao, paliwanag ni Abas, maraming tahimik na sumusuporta kay Robredo.
“But definitely with this KALESA, lalabas sila at may kasama na from national. 100% makikita natin ‘yung momentum at [‘yung] pagtaas at pag-angat ng survey ni Ma’am Leni ay talagang tuloy-tuloy na,” aniya.
Naniniwala si John Martinez, kinatawan ng maliliit na negosyante sa KALESA Movement, mako-convert nito ang mga tinatawag na “soft votes” ni Marcos, Jr. para kay Robredo. (ALMAR DANGUILAN)