USAPING BAYAN
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
MARAMI sa mga dati kong kasama ang nanunuya sa akin kung bakit si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang napipisil ko para maging pangulo ng ating bansa sa panahong ito dahil noong araw ay napasama ako sa isang napakaliit na kilusang anti-rehimeng Marcos. Simple lang ang sagot ko, ito ang lumabas sa aking mahabang pagninilay o discernment.
Hindi kaila sa akin ang mga bintang laban kay BBM at pamilya niya. Hindi ako bulag nang magpasyang suportahan ang kandidatura niya. Dangan nga lamang, siya ang nakita kong maaaring magsalba sa bayan sa panahon na ang kailangan ay tunay na lider. May palagay ako na si BBM ang lider na handang harapin ang nagbabagong anyo ng mundo, mula sa pagiging unipolar sa pangunguna ng mga kanluraning neoliberal tungo sa pagiging multi-polar sa pangunguna ng isang sosyalistang Asya.
Sa mga nakaaalam at madalas bumiyahe sa mas malawak na kalupaan ng Asya, hindi maitatawa ang paglawak ng ekonomiya at pag-unlad ng Tsina. Sa katunayan ay nagapi nila ‘yung tinatawag na extreme poverty noong nakaraang taon kaya walang mamamayang Intsik na walang bahay o namamalimos doon. Dahil mayroon silang universal health care ay nagapi nila ang Covid na inihatid sa kanila noong Oktubre 2019 ng mga kanluranin sa pamamagitan ng Military World Games sa Wuhan.
Para sa proteksiyon ng sambayanang Intsik ay nasyonalisado ang lahat ng mga krtikal na industriya (tulad ng ginawa ng matandang Marcos noon – Kadiwa, Petron, ISMI etc… sa ating bayang mahal. Ito rin ‘yung mga industriya na agad ibenenta ng matandang neoliberal na si Cory Aquino at kanyang mga amuyong sa pananhon ng kanilang panunungkulan bilang pagsunod sa dikta ng IMF-WB).
Ang kapital na nililikha ng mga nasyonalisadong industriya sa Tsina sa ilalim ng kanilang sariling sistema ay hindi pinalalabas ng bansa bagkus ginagamit ito para payamanin pang lalo ang mga mamamayang intsik. Kung hindi sosyalista ito ay hindi ko alam kung ano ang tawag diyan.
Tumitindig na ang Asya laban sa IMF-WB at sa mga kolonyador na kanluranin at natural lamang na protektahan nila ang tagumpay ng kanilang nagawa sa pamamagitan ng isang malakas na hukbo na handang gawin ang lahat para maisulong ang interes ng mas nakararaming tao. Dapat natin pag-aralan ang dahilan sa likod ng pag-unlad at paglakas ng Tsina sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan at hindi basta na lamang natin sila banatan dahil hindi natin sila naiintindihan.
Ito ay ilan lamang sa napakaraming dahilan kung bakit hindi ko maunawaan ang ngitngit laban sa Tsina ng mga sinasabing kilusan na “nakikibaka para sa kalayaan ng bayan.” Kung ibig nating lumaya ang ating bayan ay nasa kampo ng nagsusulong nang isang multi-polar na daigdig ang pag-asa.
Ito rin ang dahilan kaya dapat nating ibasura ang neoliberalismo na matagal ng nagpapahirap sa bayan. May palagay ako na mas higit na kasalanan ang pagpapatuta sa IMF-WB kaysa sinasabing pandarambong ng kaban. Ang pagpapatuta sa kanluran ay kahalintulad ng pagtatali sa ating bayan sa isang gintong kadena dahilan para hindi na tayo umahon sa kahirapan habang buhay samantala ang umano’y pagnanakaw sa bayan ay manaka-naka at panapanahon lamang. Bukod dito alam natin na papalubog na ang neoliberalismo at hihilahin lamang tayo nito sa hukay.
Ngayon, hindi ko pinapaboran ang pagnanakaw dahil likas na kasalanan ito pero sana ay maunawaan natin na ang pagnanakaw sa kaban o korupsiyon ay sintomas ng kasamaan ng sistema na ipinilit isubo sa atin ng IMF-WB.
Si Leni ay ahente ng neoliberalismo. Ito ang pangunahing dahilan kaya ayaw ko sa kanya. Ang kampo na pinangalingan niya ang nanguna sa pribastisasyon ng mga kritikal na industriya na panangga ng bayan sa krisis na dala ng neoliberalismo.
Ang neoliberalismo sa ugat nang pagsupil sa kalayaan ng mga manggagawa, pagkitil sa tunay na reporma sa lupa at iba pang kasuklam-suklam na krimen laban sa bayan. Pansinin na si Leni ay itinitindig ng kanyang mga handler na parang si Ramon Magsaysay, malinis at mabait daw, pero ngayon alam na natin na si “RM The Guy” ay hawak pala sa leeg ni Col. Edward Landsdale ng pangunahing ahensiyang tagatiktik ng mga kanluranin. Sino kayang koronel o heneral o cadre ng dilawang kaliwa ang humahawak ngayon kay Leni?
Maaaring mali ako pero panahon lang ang makapagsasabi nito.
Sa mga nanunuya, ang akin lang ay respetohin ninyo ang pasya ko gaya ng pagrespeto ko sa inyo. Hindi madali sa akin ang pasya ko pero ito sa palagay ko ang tama batay sa kasalukuyang panahon. Umusad na tayo mula sa kaisipang pang-dekada 60 pa. Ang mga batayan na ginagamit noon ay hindi na angkop ngayon. Move on….huwag kayong magpa-i-stuck sa panahong laos na. Bangon Bayan Muli – Bagong Bayani ng Mamamayan – Houston.