INAABANGAN ng publiko ang bagong narco list ni Pangulong Rodrigo Duterte kung kabilang rito ang sinabi niyang ‘cocaine user’ na presidential bet.
Ayon kay Communications Secretary at acting presidential spokesman Martin Andanar, wala siyang ideya kung maglalabas si Pangulong Duterte ng bagong narco list o listahan ng mga politikong sangkot sa illegal drugs gaya ng ginawa niya noong 2019 elections.
“We cannot second guess the President in this regard,” tugon ni Andanar sa pag-usisa ng media sa bagong narco list ng Pangulo.
Noong 19 Nobyembre 2021, nagbabala si Pangulong Duterte na may isang presidential bet mula sa mayamang pamilya ang gumagamit ng cocaine.
“There’s even a presidential candidate who is using cocaine … from a wealthy family,” aniya sa kanyang talumpati sa Mindoro.
“What has this person done? I am just asking. What contribution has he made for the Philippines? That is what I want to ask. Why are the Filipinos so crazy in supporting this person?” dagdag niya.
“And he is a very weak leader—his character—except for the name. The father [was], but him? What has he accomplished?” giit ng Pangulo.
Sa sampung 2022 presidential aspirants, tanging ang anak ng diktador Ferdinand Marcos, Jr., ang mula sa mayamang pamilya at may sikat na ama.
Matatandaan noong 14 Marso 2019 o halos dalawang buwan bago ang 2019 midterm elections, isiniwalat ni Pangulong Duterte ang pangalan ng aniya’y narco politicians upang mabatid ng publiko kung sino ang mga kandidatong hindi dapat iboto dahil banta sila sa seguridad at interes ng bayan.
Kaugnay nito, sinabi ni Andanar, susuportahan ni Pangulong Duterte ang mga kandidato na ipagpapatuloy ang kanyang plataporma at mga nagawang reporma ng kanyang administrasyon.
“President Rodrigo Roa Duterte would surely give support to candidates he believes will continue his platform and the reforms he initiated.” (ROSE NOVENARIO)