NAKIISA sina Senator Imee Marcos at Manila mayoral candidate Atty. Alex Lopez sa unang araw ng pagdiriwang ng Ramadan nitong 3 Abril 2022 sa Golden Mosque and Cultural Center sa Globo de Oro St., sa Quiapo, Maynila.
Ipinahayag ni Atty. Alex kay Senator Imee ang kanyang mga plano para sa naturang Mosque at sa mga kapatid na Muslim. Layunin ni Lopez na muling pagandahin ang Mosque upang maging “world class” nang sa gayon ay dayuhin ito ng mga mamumuhunan mula sa Gitnang Silangan.
Tumanggap sina Atty. Alex at Senator Imee ng Certificate of Appreciation mula sa administrasyon ng Mosque dahil sa kanilang pagsuporta at pagsali sa clean-up drive na ginanap bilang paghahanda sa banal na buwan ng Ramadan.
Kasabay nito, ang pagtaas nina Senator Imee at Admin. Sultan Omar Pumbaya ng kamay ni Atty. Alex upang ipakita ang kanilang matatag at buong pagsuporta sa kandidatura nito sa pagka-alkalde ng lungsod ng Maynila.
Buong pusong nagpasalamat ang mga lider ng komunidad sa mga ginawang kabutihan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Isa rito ang pagpapalabas ng batas na PD 1083 o ang batas na kumikilala sa Shari’a Law sa Filipinas.
Matapos ang maikling kumustahan, pumasok sina Atty. Alex at Senator Imee sa loob ng Mosque at dinasalan ng mga kapatid na Muslim.
Inalala ni Senator Imee ang pagkupkop ng mga Arabong bansa sa kanilang pamilya noong 1986. Sinabi niyang matagal na siyang bumibista sa Mosque kahit hindi panahon ng Ramadam.
Nagpapasalamat si Imee sa mga kapatid na Muslim sa Filipinas at Gitnang Silangan. Naniniwala rin siya na ang Islam ay bahagi ng ating kultura at pamanang pambansa.
Nagpahayag ng pagbati si Atty. Lopez sa mga kapatid na Muslim, aniya “God is good, God is with us… Allah is with us, Allah is great.”
“Happy Ramadam at Muburak ,” pagwawakas ni Lopez.