INIHAYAG ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may kabuuang 434 overseas Filipinos mula sa Ukraine ang natulungan ng pamahalaan.
Ayon sa DFA may kabuuang 394 overseas Filipino workers (OFWs) kabilang ang mga Pinoy seaman ang naiuwi sa bansa mula sa Ukraine, habang ang natitirang 40 ay inilikas sa mga karatig bansa.
Kabilang sa mga bagong naiuwi sa Filipinas ang 30 Filipino seafarers mula sa MV Ithaca Prospect, MV Filia Joy at MV Nord Virgo kung saan lahat sila ay inilikas mula sa Ukraine patungong Moldova, Bucharest, Romania ng Philippine Honorary Consulate sa Chisinau at ng Philippine Embassy doon na lumapag sa Clark International Airport.
Pinapayohan ng DFA ang mga natitira pang Filipino sa Ukraine na patuloy na mag-ingat at manatiling mapagbantay sa lahat ng oras at agad na makipag-ugnayan sa mga Embahada ng Filipinas sa Warsaw at Budapest sakaling mangailangan sila ng tulong.
(𝙂𝙄𝙉𝘼 𝙂𝘼𝙍𝘾𝙄𝘼)