HARD TALK
ni Pilar Mateo
SA premiere ng The Buy Bust Queen sa One Mall sa Valenzuela, Bulacan, nausisa ng press ang isa sa bida rito na si Jeric Raval sa maraming bagay.
Sa balitang nagkabalikan na ang anak niyang si AJ Raval at Aljur Abrenica.
Sabi ni Jeric, pagdating sa lovelife ng kanyang anak, hindi siya nanghihimasok pero hindi siya nagkukulang sa pagpapaalala.
Kung saan nga raw masaya ang kanyang mahal na anak eh, susuportahan naman niya iyon. At makailang beses naman na rin niyang nakita at nakausap si Aljur. Binilinan lang niya ito na alagaang mabuti siyempre si AJ.
Hindi nakawala sa usapan ang pinag-uusapan ngayong bugbugan ng magkasintahang showbiz denizens. Kung sakaling mapunta raw sa ganoong sitwasyon ang kanyang anak sa karelasyon nito, ano pa kaya ang magiging reaksiyon ni Jeric?
“Walang amang hindi sasabog sa galit kapag ginanyan ang anak niya. Aba eh, sasamain siya sa akin. Para ano pa ang pagiging action star ko kung hindi ko magagamit para lang ipagtanggol ang anak ko. Doon magiging totohanan ang nakikitang aksyon sa akin.”
Sa mga salita pa lang ni Jeric, masasabi mong gaya ni Robin Padilla sa anak na si Kylie na ex na sa buhay ni Aljur ngayon, parang may pattern ‘ata. Dalawang action stars ang father-in-law ni Aljur?
“Mapagbiro naman ang tadhana. Wala namang masama. Ang sa akin tingnan natin ‘yung pagmamahalan ng dalawang tao. Mahal na mahal ko ang anak ko. Maayos naming pinalaki ‘yan ng misis ko (ngayon) na si Holiday. Kaya anuman ang mangyari o gawing hindi maganda sa kanya, talagang sasamain sa akin. Kahit malaki na ‘yan, sa tabi pa namin natutulog. Ganyan kami kalapit sa isa’t isa. At kami ng nanay niya (Monica Herrera) eh, magkaibigan. Kaya, dumadalaw din ako sa kanila.”
Isa ko pang tanong kay Jeric. Bampira ba siya? If you look at him up close and personal, bakit ang young-looking niya after all these years.
“Kasi, healthy lifestyle. Disiplina. Na ginawa ko sa buhay ko. Hindi ako naninigarilyo. Hindi ako umiinom. Walang naging bisyo. Babae? Hindi naman bisyo “yun. Hahaha! Oo. Talaga. ‘Yun lang. Mga hindi ko ginawa kasi nga alam kong kailangang alagaan ang sarili ko. At saka noong tatay na rin ako (18 nga ba? To 5 nanays? At may mga apo na rin?), naisip ko ‘yun eh. Paano ko sasabihan ang mga anak ko na huwag manigarilyo kung nakikita nila na ginagawa ko? So, live and lead by example.”
Hindi siya mawawalan ng proyekto. Na nangyayari naman ngayon.
“For a time, naging choosy ako. Kasi, ang hirap niyong bida ka tapos magiging supporting ka na. Pero naisip ko rin, eh mawawalan ako ng kita kung mamimili ako ng mamimili. Basta maganda naman ang offer at role, sige. Kaya minsan may bida, may suporta. Nag-‘Ang Probinsyano’ na ako. Sa ‘Darna’ tatay ako ni Joshua Garcia. At marami pa akong gagawin under Viva. Rito sa ‘The Buy Bust Queen’ isa ako sa heads ng agency na gumabay at sumama sa kababaihan ng PDEA.”
Naku! May isa akong nakaligtaang itanong kay Jeric. Na lagi kong gustong usisain pero inililipas ng hangin.
Kapag ba action star, talagang part ng OOTD ang leather jacket?
Ay! Ayokong samain! Erase! Erase!